NAIS matulungan ng ilang personalidad ang lolong inakusahang nagnakaw ng 10 kilong mangga sa Asingan, Pangasinan.
Maraming naantig matapos mag-viral sa social media ang 80 taong gulang na si Lolo Narding Floro matapos arestuhin dahil sa umano’y pagnanakaw ng humigit-kumulang 10 kilo ng mangga mula sa isang kapitbahay.
Sa isang pahayag, tumanggi ang nasabing kapitbahay na tanggapin ang alok na bayad ni Lolo Narding at iginiit na ipakulong siya sa halip na bayaran ang piyansang nagkakahalaga ng anim na libong piso.
Batay sa report ng Asingan PNP, inaresto si Lolo Floro matapos ang isinagawang manhunt operation.
Dakong alas 5:00 ng hapon noong Enero 13 sa barangay Bantog, nagpahayag ng boluntaryong tulong ang artistang si Ryza Cenon na magbayad ng piyansa para makauwi na ang matanda, ngunit patuloy pa rin itong nakikipag-ugnayan sa mga otoridad.
Isa din sa nag-alok na magbayad ng piyansa ang newscaster na si Kim Atienza.
Sa ngayon nabayaran na ng pulis ang piyansa ng matanda matapos silang mag-ambagan.
Nilinaw naman ng mga pulis na hindi nila ipinasok sa selda si Lolo Narding dahil nakita nila ang kanyang kalagayan.