Ilang signature sheets para sa PI, binawi na sa COMELEC

Ilang signature sheets para sa PI, binawi na sa COMELEC

MATAPOS na sabihin ng COMELEC na pwedeng bawiin ang mga lagda para sa People’s Iniative (PI) pagkatapos ang suspensyon sa pagtanggap ng signature forms ay agad na may tumugon dito.

Ayon kay COMELEC Chairman George Garcia, may isang bayan sa Antique ang nagdesisyong bawiin ang isinumite nilang lagda.

Sa ipinakitang papel ng komisyon, ang signature forms na binawi sa kanilang local office sa Hamtic, Antique, ay naglalaman ng 3,757 na pirma.

Ayon kay Garcia, welcome sa COMELEC kung masusundan pa sa ibang mga lugar ang pagbawi ng signature forms basta maibabalik din ang certification na binigay ng election officer sa tinanggap nitong mga lagda.

Sa mga signature forms na hindi naman babawiin ay muling nanindigan ang komisyon na kailangan pa rin nila itong ingatan sa kabila ng suspensyon.

Hindi raw nila ito pwedeng sunugin, itapon o punitin dahil mayroon silang pananagutan sa mga lagdang kanilang tinanggap.

Sa issue na walang expiration date ang mga signature forms, ayon kay Garcia, maari itong isaalang-alang sa babaguhin nilang patakaran.

Iginiit naman ni Garcia na wala nang tinatanggap na signature forms ang kanilang local offices kasunod ng suspensyon ng proseso ng PI.

Ayon kay Garcia, maliban sa mga lagda ay hindi na sila tumatanggap pa ng anumang petisyon para dito hanggang hindi pa nila narerepaso ang kanilang guidelines.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble