BINIGYAN ng medalya ni AFP Chief of Staff Gen. Andres Centino ang ilang sundalo na nakipaglaban sa mga miyembro ng Daulah Islamiyah-Maute sa Lanao del Sur.
Ito ay kasunod ng pagbisita ni Centino sa Camp Ranao sa Marawi City, kung saan mainit siyang sinalubong nina 1st Infantry Division Commander Major Gen. Generoso Ponio, 103rd Infantry Brigade commander Brigadier Gen. Jose Maria Cuerpo II at Marawi Gov. Mamintal Alonto Adiong Jr.
Kabilang sa ginawaran ng gold cross medal ng Chief of Staff sina 2nd Lieutenant Kevin Camua, platoon leader; Sergeant Jonathan Lictawa, team leader ng Scout Platoon; at Corporal Charlie Angcat, squad leader ng 1st Platoon.
Marso 2 nang maglunsad ng operasyon ang Joint Task Group Haribon sa ilalim ni Brigadier Gen. Cuerpo laban sa tinatayang 20 local terrorist sa Brgy. Ilalag, Maguing, Lanao del Sur.
Nasawi sa nasabing operasyon ang siyam na miyembro ng Daulah Islamiyah-Maute sa ilalim ni Abu Zacharia at nakuha ang 45 mga armas.