MULING ipagpapatuloy ngayong araw ng Senate Committee on Public Order ang imbestigasyon hinggil sa sinasabing pagkawala ng nasa mahigit tatlumpung sabungero matapos magpunta o maglaro ng e-sabong.
Inaasahan ngayon sa pagdinig ang pagdalo ng mga financier, security personnel at mga may-ari o operator ng e-sabong maging ang mga kaanak ng mga nawawala.
Matatandaan na noong nakaraang pagdinig ay nagawang makadalo ng businessman na si Atong Ang at may ari ng Lucky 8 Star Quest Inc.
Tatlong arena ang pinamamahalaan ni Ang at ang mga arenang ito ang sinasabing pinuntahan ng mga sabungero bago sila mawala ayon kay Senator Ronald “Bato” Dela Rosa ang chairman ng komite.
Naimbitahan ito sa hearing dahil na rin sa kaniyang video kung saan ay nagbigay ito ng babala sa mga double agent na nagnanakaw ng mga video mula sa kaniyang kumpanya.
Sinabi naman ni Ang na wala siyang involvement sa mga nawawalang sabungero.
Sa katunayan aniya, siya ang target ng conspiracy ng mga kalaban niya sa negosyo.
Ilan sa mga binanggit nitong mga pangalan na nasa likod ng conspiracy ay sina ex-congressman Patrick Antonio, Mayor Elan Nagaño, Cong. Arnulfo “Arnie” Teves Jr. at dating PNP chief Gen. Camilo Cascolan.
Sa huling update ni Dela Rosa, nasa 34 na ang missing o nawawala.
15 katao o suspek naman ang nasampahan na ng kaso ng PNP sa DOJ kamakailan at lahat ng ito ay security personnels sa Manila Arena sa SMX Convention Center sa Parañaque City.
Aasahan pa rin sa pagdinig mamaya si PNP Chief Carlos para sa pagbibigay ng update sa kanilang imbestigasyon.
Inaasahan din ang pagdalo ni DOJ Secretary Menardo Guevarra at ng PAGCOR sa hearing.
Para sa pagdinig ngayong araw, ay pinayagan ang Media na nakapasok dito sa Senado at pisikal na makacover sa hearing.