Imbestigasyon para sa ‘tongpats’ sa Agriculture, isasagawa ngayon sa Senado

TULOY na ngayong araw ang imbestigasyon ng Senado kaugnay sa ‘tongpats’ raket sa Department of Agriculture (DA) na nangyayari diumano sa pork importation ng bansa.

Ang naturang imbestigasyon ay unang itinakda noong Abril 6 pero dahil sa extension ng ECQ ay kinansela ito.

Matatandaan naman na ang alegasyong may sindikato sa likod ng pork importation ay ibinunyag ni Sen. Panfilo Ping Lacson.

(BASAHIN: Tongpats system sa loob ng Department of Agriculture, iimbestigahan sa Senado)

Ayon kay Lacson, nakarating sa kaniya ang impormasyon ang modus operandi sa DA na sa kasalukuyang 30 percent na taripa sa pork imports ay may SOP o standard operating procedure o ‘tongpats’ na P5-7 per kilo sa inaangkat na baboy.

Kapag aniya tuluyang tataasan Minimum Access Volume o MAV habang bababaan ang taripa sa 5 percent ay tataas sa P10-15 ang tongpats per kilo.

Dahil dito ay tinatayang kikita ang sindikato sa P4-6 bilyon mula sa 400,000 metric tons o 400 kilograms.

Matatandaan na kamakailan ay inaprubahan ni Pang. Rodrigo Roa Duterte ang rekomendasyon ng DA na ibaba sa 5 percent ang taripa at payagan ang malawakang pork imports sa bansa.

Sinabi naman ni Sen. Kiko Pangilinan na nasa 11-14B ang mawawala sa kikitain ng bansa sa nakatakdang pagbaba ng taripa para hog imports.

Sa ngayon ay nanatiling naka-lockdown ang Senado at ang mga essential worker o mga empleyado na kailangan sa pagdinig ng Committee of the Whole ang maaaring pumasok sa Senado.

SMNI NEWS