INAASAHANG mailalabas na sa Oktubre 8, sa susunod na linggo ang resulta ng imbestigasyon sa false positive results ng sinasabing COVID-19 testing ng Philippine Red Cross (PRC) sa Subic.
Nagsagawa ng masinsinang imbestigasyon ang Research Institute for Tropical Medicine (RITM) ukol sa false positive results ng PRC.
Ito ang tiniyak ni Health Secretary Francisco Duque III ang pagpapalabas ng resulta sa imbestigasyon hinggil sa anomalyang resulta ng COVID-19 testing ng PRC sa Subic.
Matatandaan na inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Department of Health na suriin ang napaulat na maraming ‘false positive’ sa resulta ng isinasagawang virus tests ng PRC Subic.
Ito’y matapos ang insidente kung saan nasa 44 mula sa 49 na hospital personnel ang nagpositibo sa COVID-19 nang magpa-test sa PRC Subic ngunit nagnegatibo naman sa impeksyon nang magpasuri sa ibang testing facility.
Una na rin itong sinagot ng PRC kung saan aminado silang may mga false positive results talaga dahil wala naman umanong test na 100 percent accurate.
Ipinaliwanag naman ni Duque ang proseso ng isinagawang imbestigasyon ng RITM na binubuo ng pagre-review sa laboratory records ng testing, pagreview sa kaso ng insidenteng inireport, pagberipika sa mga procedure at mga hakbang ng mga laboratoryo, at pagsasaayos at pagsasagawa ng proficiency testing sa mga sangkot na laboratoryo.