Immediate family ng nabaril na si Rolando Yumol, hindi pa nagpapakita sa mga awtoridad

Immediate family ng nabaril na si Rolando Yumol, hindi pa nagpapakita sa mga awtoridad

NAGSASAGAWA na ng imbestigasyon ang Philippine National Police (PNP) sa nangyaring pamamaril sa Lamitan City, Basilan na ikinasawi ng ama ni Doctor Chao-Tiao Yumol na siya namang suspek sa pamamaril sa Ateneo de Manila University kamakailan lang.

Sa impormasyon mula sa Lamitan City Police, kinilala ang biktima na si Rolando Yumol, isang retiradong pulis.

Sa panayam ng SMNI News kay Police Lt. Eirene Mazon ang tagapagsalita ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, tila nahihirapan sila sa ngayon sa pangangalap ng impormasyon dahil sa limitadong detalye kaugnay sa pagkamatay ni Rolando Yumol.

Aniya, mag-isa lang sa bahay ang biktima nang pagbabarilin ito sa tapat ng kanilang bahay ng riding-in-tandem bandang alas-6:55 kaninang umaga.

Dinala pa si Yumol sa Lamitan District Hospital pero idineklarang dead on arrival matapos magtamo ng tama ng bala ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

“Sa ngayon, kinokontak ko din si COP, kasi as per Lamitan CPS, hinihintay nila ang immediate family para ma-interview, para sakaling makakuha tayo ng lead tungkol dito sa mga suspek at tungkol dito sa motibo ng pagpatay,” pahayag ni Mazon.

Kasabay nito, nauna nang sinabi ng PNP na “speculative” na iugnay ang pagpatay sa ama ni Dr. Yumol sa insidente ng pamamaril sa Ateneo de Manila University sa Quezon City noong Hulyo 24.

Gayunpaman, hindi pa rin anila ito isinasantabi ang posibilidad na may kinalaman ang insidente sa nangyaring Ateneo shooting.

“Sa ngayon, masyado pang maaga para masabi natin na iyon talaga ang direktang koneksiyon, pero hindi natin nilulubayan ‘yung anggulo na ‘yun. Pero, at the same time po tinitingnan din natin ‘yung ibang anggulo,” ani Mazon.

Sinusubukan din ng PNP na kunan ng reaksiyon ang anak ng biktima ni Dr. Chao Yumol pero hanggang ngayon ay wala pa rin silang makuhang dagdag na impormasyon.

Follow SMNI News on Twitter