UMANI ngayon ng samu’t saring reaksyon at batikos si President-elect Yoon Suk-yeol ng South Korea mula sa mga tagahanga ng K-Pop boy group BTS.
Ito ay matapos kumalat ang usap-usapan na ang nasabing grupo ay magtatanghal sa inauguration ceremony ni Yoon Suk-yeol sa susunod na buwan.
Sigaw ng netizens, huwag gamitin ang BTS para mapataas ang approval rating ng susunod na pangulo ng bansa.
Dahil dito, isang online petition ngayon ang inihain ng mga tagasuporta nito na umabot na sa anim na libong pirma simula nitong Miyerkules at may hashtag na #nobtsforinauguration.
Sa ngayon ay hindi pa napagdesisyunan kung magtatanghal ba ang BTS sa nasabing inagurasyon.
Saad naman ng management ng BTS na Bit Hit Music, wala pa itong natatanggap na pormal na imbitasyon mula sa opisina ni Yoon Suk-Yeol.