NAPAPANATILI ng Pilipinas ang isang independent foreign policy.
Ito ang sagot ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. tungkol sa mga alegasyong sunod-sunuran lamang ang Pilipinas sa Estados Unidos.
Ginawa ni Pangulong Marcos ang pahayag sa isang question and answer segment matapos ang kaniyang talumpati sa Lowy Institute sa Melbourne.
Itinanggi niya ang akusasyong mas lumalapit siya sa US habang lumalayo o tinatalikuran ang ugnayan ng Pilipinas sa China.
“And I always wanted to make it clear, because there is a narrative out there that is going around that we are at the beck and call, practically, of the United States when it comes to these foreign policy decisions, especially surrounding the South China Sea,” ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Nilinaw ni Pangulong Marcos na patuloy na tinatamasa ng Pilipinas ang independent foreign policy.
Ibig sabihin, gumagawa ang Pilipinas ng sarili nitong mga desisyon sa patakaran at kumikilos upang protektahan ang pambansang interes nito.
Inilahad ng Pangulo na hindi na umuubra ang konsepto ng “bipolar cold war formula” kung saan ang mga maliliit na bansa ay sumasandal sa US o sa Russia noon.
Kaugnay rito, binigyang-diin ng Pangulo na pinananatili ng Pilipinas ang ugnayan nito sa China dahil ito ay importanteng kapitbahay at mahalagang kasosyo ng bansa simula pa noong 1976.
Kasabay nito’y nananatili rin ang pakikipagtulungan ng Pilipinas sa US, na nagsisilbing ‘stabilizing force’ sa pagitan ng dalawang bansa.
“But let me make it very, very clear. The Philippines acts for its own interest, and the decisions that we make when it comes to foreign policy are decisions that we make because we believe, and are convinced, and know that it is in the national interest,” ani Marcos.
Sinabi pa ni Pangulong Marcos na nakahanda ang Pilipinas na makipagtulungan sa China para mapawi ang tensiyon sa South China Sea, ngunit iginiit na reresbak ito sa tuwing binabalewala ang mga karapatan nito sa soberaniya.
“Our independent foreign policy compels us to cooperate with them on matters where our interests align, to respectfully disagree on areas where our views differ, and to push back when our sworn principles, such as our sovereignty, sovereign rights, and our jurisdiction in the West Philippine Sea — are questioned or ignored,” saad ng Pangulo.
Si Pangulong Marcos ay nakikilahok ngayon sa ASEAN-Australia Special Summit sa Melbourne, Australia.