PINATITIYAK ni Sen. Grace Poe, Chairman ng Senate Committee on Public Services ang malawakang konsultasyon sa pagbuo ng Implementing Rules and Regulations (IRR) ng SIM Registration Act.
Ang IRR ay magbibigay ng detalye sa registration requirements at proseso nito para gabayan ang publiko at tiyaking maayos ang implementasyon.
Ayon kay Sen. Poe, ang IRR ang kakatawan sa diwa ng batas para mabigyan ang mamamayan ng depensa laban sa text scam at misinformation.
Aniya pa, ang mga probisyon ng batas na magbibigay ng pananggalang laban sa security risk at data breaches ay dapat ma-highlight sa IRR.
Kasama rito ang mga direksiyon para sa epektibong pagtugon at pagresolba kung sakaling mayroong mga reklamo.
May 60 araw naman ang gobyerno para bumuo ng IRR mula sa pagiging epektibo ng batas noong Oktubre 28.
Isinasaad sa Section 12 ng SIM Registration Act na ang National Telecommunications Commission, kasama ang Department of Information and Communications Technology (DICT), National Privacy Commission, telcos at pangunahing major consumer groups, ang babalangkas ng IRR.
Sa ilalim ng batas, ang mga mobile phone user ay kailangang magparehistro ng kanilang SIM bilang prerequisite para sa activation nito.
Lahat ng kasalukuyang SIM holders ay dapat magparehistro sa kanilang mga telco sa loob ng 180 araw mula sa effectivity ng nasabing batas.