PINANGUNAHAN ng Philippine National Police Special Action Force (PNP-SAF) ang pag-aresto sa isang miyembro ng Dawlah Islamiyah – Hasssan Group, kasama ng SAF sa nasabing operasyon ay ang Criminal Investigation and Detection Unit (CIGU) sa South Cotabato.
Ang nasabing hakbang ay bahagi ng counter terrorism operation sa pamamagitan ng pagsisilbi ng warrants of arrest kay Jaffer Mariano sa Brgy. Lapu, Polomok, South Cotabato.
Si Mariano ay nahaharap sa kasong murder, attempted murder, frustrated murder sa iba’t ibang probinsiya gaya ng South Cotabato, Tacurong City sa Sultan Kudarat, at sa lalawigan ng Sarangani.
Ang matagumpay na operasyon ay patunay na seryoso ang PNP-SAF at ang ibang law enforcement agencies na matapos ang terorismo sa naturang rehiyon.
SAF personnel na kasama sa operasyon sa Tawi-Tawi, pumanaw na
Samantala, pumanaw na ang SAF personnel na kasama sa ginawang counter terrorism operation ng SAF noong May 28, 2024 sa Brgy. Lahay-Lahay, Tandubas, Tawi-Tawi.
Ang nabanggit na operasyon ay nagresulta sa pagkakapatay sa sub-leader ng Abu Sayyaf group na si Udon hasim.
Kinilala ang nasawing pulis na si Patrolman Ian Valdez.
Sa isang pulong balitaan araw ng Huwebes, sinabi ni PCOL. Jean Fajardo, tagapagsalita ng PNP na nagtamo ng sugat sa ulo si Valdez na sanhi ng pagpanaw nito.
Ayon kay Fajardo Miyerkules ng hapon ng Mayo 29, 2024, sinubukan pang isalba ng mga doktor si Patrolman Valdez ngunit nang gabi din nayon ay tuluyan nang binawin ng buhay ang SAF trooper.
Sa ngayon ay naghahanda na ang ibang opisyal upang bigyan ng medalya ang dalawa pang sugatan na SAF at upang makiramay na rin sa naiwang mga pamilya.
Sa ngayon, nasa maayos na kalagayan na ang dalawa pang SAF personnel na sugatan dahil sa naturang operasyon.