Phnom Penh at Takmao, isinailalim sa lockdown

DALAWANG syudad sa Cambodia isinailalim sa lockdown upang maiwasan ang patuloy na hawaan ng sakit na COVID-19.

Isinailalim ng gobyerno ang syudad ng Phnom Penh at Takhmao sa lockdown dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19.

Ayon sa pahayag ng gobyerno, magtatagal ng 2 linggo ang lockdown simula ngayong araw hanggang Abril 28.

Dahil dito magiging limitado lamang ang paggalaw sa syudad pero maaari pa ring bumili ng pagkain at iba pang pangangailangan sa mga pamilihan.

Pinapayagan rin magbiyahe patungo sa ospital ang hindi lalagpas sa 4 na katao kung nakatakdang magpagamot o sumailalim sa testing.

Maaari pa ring lumabas para magtrabaho ang mga mamamahayag, siplomatiko, internasyonal na mga organisasyon, NGO workers at mga opisyal ng gobyerno pero kinakailangang magdala ng patunay na nagtatrabaho ito.

Tanging mahahalagang negosyo lamang ang papayagang magbukas gaya ng food shop, parmasya, ospital, klinika, mga food factory, slaughterhouse, transportasyon, hotel at mga guesthouse.

Samantala, ang National Committee ay pinamunuan ng Finance and Economics Minister na si Aun Pornmoniroth ay itinatag upang subaybayan ang lockdown.

Ang lahat ng pinapayagan na paglalakbay ng mga indibidwal at pagpapatakbo ng mga negosyo ay hindi dapat gawin sa panahon ng curfew mula alas 8 ng gabi hanggang alas-5 ng umaga.

(BASAHIN: Prime Minister ng Cambodia, hinikayat ang lahat ng opisyal ng gobyerno na magpabakuna kontra COVID-19)

SMNI NEWS