SUPORTADO ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang paggawa ng Department of Disaster Resilience (DDR) para magkaroon ng mas maayos na disaster preparedness and response ang bansa.
Ayon kay Moreno, kailangang paigtingin ang kakayahan ng pamahalaan dahil bawat taon ay mayroong bagyong dumadating sa bansa dahil na rin sa lokasyon nito.
Matatandaang inaprubahan na ng House of Representatives ang Department of Disaster Resilience Bill noong Setyembre 2020 na isa sa priority measures ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Sa ilalim ng bill, ang DDR ang responsable at mangungunang ahensya sa pagsasagawa ng hakbang upang maiwasan at mabawasan ang panganib, mapaghandaan at marespondehan ang mga sakuna, at ito rin ang responsable sa rehabilitasyon matapos ang sakuna.
Nakatakda pa lamang aksyunan ng Senado ang nakapanukalang batas.