NAGBIGAY ng paglilinaw ang Quezon City Task Force for Transport and Traffic Management hinggil sa ipinapatupad nilang no-contact apprehension policy (NCAP).
Ayon kay QC Task Force Traffic Operation Chief Dexter Cardenas hindi totoo na bukod sa multa mula sa MMDA ay nagbabayad din ng multa ang lumabag sa batas-trapiko sa ilalim ng NCAP sa LGU.
“Lahat po ng nilalagay namin na camera sa NCAP ay pinapaalam namin doon sa traffic engineering center sa MMDA. So, every time na maglalagay po tayo ng cameras, we make sure and see to it na walang ibang nakakabit dun kundi yung amin lang at walang kasabay na ibang ano. So, walang overlapping, so wala pong katotohanan na dalawang system ang umiiral sa isang intersection,” pahayag ni Chief Dexter Cardenas, QC Task Force Operation.
“Kasi po pinapaalam namin sa MMDA ‘yan, for their approval na ito yung ilalagyan po namin. Wherein, sinisiguro din nila, na walang silang NCAP dun sa lugar na ‘yun,” dagdag ni Cardenas.
Ipinaliwanag naman ni Atty. Carlo Austria, Assistant City legal ng Quezon City, ang nagiging papel ng kanilang private partner sa pagpatutupad ng NCAP sa lungsod.
Aniya, hindi nila pinapayagan na ang kanilang legal partner ang mangolekta ng multa.
Sa LGU mismo nagbabayad ang mga lumalabag sa polisiya sa kalsada.
“Ang nag-i-identify lang po ng violation is yung private partner, pero yung actual nagde-determine kung may violation nangyari, is yung LGU at ang nagco-collect ng fines is yung LGU rin po. Whether to over the counter directly to the agency or through online payments ‘yung accounts po is held by LGU and collection is made by LGU,” paliwanag ni Austria.
Hinggil naman sa hatian nito, 60% ang napupunta sa private partner ng pamahalaan habang 40% lamang sa mga LGU.
Paliwanag ng Assistant QC Legal na ang private partner ang sumasagot sa lahat ng capitalization, kaya tama lang na may parte ito.
“Lahat po ng capitalization, ‘yung infrastructure cost, ‘yung manpower, ‘yung personnel,’ yung maintenance,’ yung private partner po yung sumasagot nun. Kaya lang po tama lang po yung magkaroon sila ng share sa fines na makokolekta,” aniya pa.
Samantala, sinabi ni LTO spokesperson Roberto Valera, nakatakdang pag-usapan ng MMDA at mga lokal na pamahalaan ang halaga ng multa.
Sa hanay ng MMDA, P150 lang ang multa kumpara sa P2,000 naman ang multa na sinisingil ng LGU.
Nakatakda namang bumuo ng technical working group ang LTO hinggil sa pagpatutupad ng NCAP.
Samantala, naniniwala ang isang traffic enforcement technology advocate na mas madidisiplina ang mga motorista sa pamamagitan ng pagpatutupad ng NCAP.
“Tayo naghahanap tayo ng batas that will be implemented evenly. Lahat walang sini sino, maging bigtime ka, o regular kang tao. Itong NCAP na ito, ‘yan yun dahil kahit sino ka pa, mahuhuli ka at matiticketan ka,” ayon kay Gary Vasquez, Traffic Enforcement Technology Advocate.
“If we want to feel safe para sa ating mga anak, sa mga tao natin, this will really put discipline to people,” dagdag ni Vasquez.
Sa kasalukuyan ay nanawagan ang LTO na temporaryo munang suspendihin ang pagpatutupad NCAP dahil inaayos muna ang guidelines nito.
Nanawagan din ang LTO sa mga alkalde ng Manila, Quezon City, Parañaque, Valenzuela City, at Muntinlupa na makiisa sa dayalogo sa kanila at sa MMDA para makabuo ng pare-parehang guidelines.