Iwas Paputok Campaign 2023 ng DOH Ilocos Region, inilunsad sa Dagupan City

Iwas Paputok Campaign 2023 ng DOH Ilocos Region, inilunsad sa Dagupan City

INILUNSAD sa Dagupan City sa lalawigan ng Pangasinan ang Iwas Paputok Campaign 2023 kasabay ang patimpalak ng lungsod para sa pinaka-bonggang Christmas caroling bilang suporta sa kampanya ng Department of Health (DOH) Ilocos Region na zero firecracker-related injury ngayong Kapaskuhan.

Napakalaking karangalan para kay Dagupan City Mayor Belen T. Fernandez na napili ang lungsod ng DOH Ilocos Region para ilunsad ang Iwas Paputok 2023 kasabay ng pinaka-bonggang Christmas caroling tampok ang seven healthy habits na nilahukan ng mga barangay sa siyudad.

“Ako’y natutuwa dahil tamang-tama po Christmas papuntang New Year, so of course they have to eat the right food and ‘yung pinakaimportante ‘yung safety. ‘do no harm but safety first’ kasi timing alam n’yo naman every year meron at merong mga napuputukan so kasama dito ‘yung iwas paputok,” ayon kay Mayor Belen T. Fernandez, Dagupan City.

Ayon kay mayora, sa 31 barangays ng Dagupan, nasa 19 na barangay ang nakilahok sa pinaka-bonggang Christmas caroling sa kabila ng maikling panahon na paalaala.

Layunin naman ng nasabing kampanya ng DOH Region 1 na magkaroon ng kamalayan ang mga tao partikular na sa Pangasinan na umiwas sa paggamit ng mga paputok at gamitin na lamang ang alternatibong paraan ng pag-iingay para sa ligtas at masayang pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon.

Maliban sa iwas paputok ay nais ding ipaalam ng DOH Region 1 ang healthy living gaya ng pagkain ng healthy foods sa panahon ng Kapaskuhan.

Sa isinagawang paglunsad ng Iwas Paputok Campaign 2023, inihayag ni DOH Ilocos Region Director Paula Paz Sydiongco na naitala sa Pangasinan ang pinakamalaking bilang ng fireworks related incident sa buong Region 1 sa loob ng limang taon.

“For the past five years medyo mataas talaga ‘yung Pangasinan compared to our other provinces pero noong 2022 mas tumaas pa ito. Siguro dahil wala na tayong mga lockdowns din parang medyo nagpaputok talaga ang mga tao ano,” ayon kay Dr. Paula Paz Sydiongco, Regional Director, DOH-Ilocos Center for Health Development.

Naitala aniya sa 74 ang kaso ng fire work related injury sa probinsiya kabilang ang isang nasawi taong 2022.

Nabatid din ayon kay Sydiongco na bumata ang mga nadidisgrasya mula sa 10-14 taong gulang sa mga nakaraang taon sa 5-9 taong gulang noong 2022.

Kabilang aniya sa mga paputok na nagsanhi ng maraming aksidente ang kwetes at ang boga.

“Meron nang instruction ang chief of police ang aming chief of police sa lahat ng mga PCP commander na i-compiscate lahat ng mga makikitang gumagamit ng boga. Napapansin niyo ‘di tulad ng dati na palakad-lakad ‘yung mga bata diyan…Pero kung napapansin ninyo wala na, wala nang naglipana dito na mga boga na mga bata,” ayon kay PMaj. Ronnie Marama. DCOP, Dagupan Police Station.

Payo naman ni Dr. Ophelia Rivera, City Health Officer ng Dagupan sa mga magulang na bantayan ang kanilang mga anak at ipagbawal sa kanila ang paggamit ng paputok.

“Nananawagan kami sa mga parents kasi ang mga parents na mismo ang mag-stop sa mga bata huwag na po nating hintayin na ang mga Barangay Officials o City Officials o PNP ang mag-stop sa kanila. Huwag na nating hintayin na madisgrasya ‘yung mga bata bago tayo gagawa ng aksyon,” ayon kay Dr. Ophelia Rivera, City Health Officer, Dagupan City.

Handa namang magbigay si Mayor Belen ng certificate at cash reward na P10-K para sa mga malalaking barangay at P5-K sa mga maliit na barangay ng lungsod na may zero fireworks related incident.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble