IBINASURA na ng Sandiganbayan ang kasong graft and malversation laban kay Janet Lim-Napoles at apat na dating mga opisyal ng Department of Agriculture (DA) sa Caraga.
Ang pagbasura ng mga kaso ay dahil sa labis na delay ng Office of the Ombudsman sa imbestigasyon hinggil dito.
Binigyang-diin ng fourth division ng Sandiganbayan na inabot ng mahigit anim na taon ang Ombudsman sa pag-iimbestiga sa reklamo na inihain noong Pebrero 2017 laban sa respondents.
Bigo pa ang mga ito na makapagbigay ng rason kung bakit na-delay ng napakatagal ang imbestigasyon.
Sa walong pahinang resolution na inilabas ng fourth division ng Anti-Graft Court noong Oktubre 27, pinaboran nito ang mosyon na inihain ni Napoles at Evelyn de Leon, ang presidente ng non-government organization na Philippine Social Development Foundation Inc. (PSDFI) para mapawalang sala sa kaso.
Ang mosyon din ni DA-Caraga Assistant Regional Director Edgardo Dahino, Chief Administrative Office Jessica Da-an, Administrative Officer Merylinda Santos at Accountant Gerry Leop ay pinaboran.
Matatandaan na noong 2004 ay napaulat na bumili ng fertilizer ang DA-Caraga na nagkakahalaga ng P5-M para umano sa agricultural reinforcement project sa Del Carmen, Surigao del Norte.
Subalit ayon sa Ombudsman, pineke nina Napoles at mga kasabwat nito ang mga resibo para maipakita na ang buong P5-M ay binili ng fertilizers.
Ayon naman sa Municipal Agriculturist ng Del Carmen, Surigao del Norte, walang fertilizer na ipinamahagi sa mga nararapat sanang farmer beneficiaries.