Pag-boycott sa Chinese products, magdudulot ng pagtaas ng presyo ng bilihin—Rep. Salceda

Pag-boycott sa Chinese products, magdudulot ng pagtaas ng presyo ng bilihin—Rep. Salceda

PARA kay Albay, 2nd District Joey Salceda, chairman ng House Committee on Ways and Means, posibleng tumaas ang presyo ng mga bilihin kung ibo-boycott ng Pilipinas ang mga produkto ng China.

Ang pahayag ay ginawa ni Cong. Salceda, kasunod ng mungkahi ni Senate President Juan Miguel Zubiri na i-boycott ang mga Chinese product bilang pagpapahayag ng pagtutol sa ginawang pambobomba ng tubig ng China Coast Guard (CCG) sa barko ng Philippine Coast Guard (PCG) habang nagsasagawa ng resupply mission sa Ayungin Shoal.

“Yung practical ah, tataas ang presyo. Kasi, sa ngayon halos, $50-B ang trade deficit natin sa China. Ibig sabihin, base sa actual, base sa reported, actually ang ating trade deficit lang ay mga 12 pero actually pag tiningnan mo ‘yung United Nations Transition Assistance Group (UNTAG), ‘yung pinapadala ng China kasama na ‘yung mga smuggled, sa Subic, sa lahat, halos ‘yung buong OFW remittances natin na pinapadala, pambayad lang natin sa trade deficit natin sa China. Kaso mura ‘yung kanila eh. So ang number one mangyayari niyan ay puputok ang ating inflation. ‘Yun ‘yung takot ko,” ayon kay Cong. Joey Salceda, Chairman, House Committee on Ways and Means.

Bukod sa China, mainam din ayon sa mambabatas na palawakin pa ang trade relations sa iba’t ibang bansa.

“It’s actually, China is subsidizing our inflation. So, we are in a bind. So, that means the administration has to be more creative and innovative both comingling the political as well as the economic or the geopolitical and the economic industrial Philippines. Siguro ang una diyan i-diversified natin ang ating trade relations kasama na po diyan ang pagiging miyembro na magkaroon ng mas maraming bilateral arrangements like India kung saan puwede nating makakuha ng ganoong kamura na mga produkto. Mga bilateral sa ating mga kaibigan katulad ng ASEAN para sa ating bigas. Pero ‘yung iba lalo na ‘yung mga light manufactured products, ultimong Christmas lights mo galing China,” dagdag ni Salceda.

Enrile, tutol sa mungkahing i-boycott ang mga produkto ng China

Samantala, hindi rin sang-ayon si Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile sa mungkahing i-boycott ng Pilipinas ang mga produkto ng China.

Ito’y dahil bukod pa sa may utang ang gobyerno sa China, mayroong export ang Pilipinas sa China, at maraming Pinoy rin na nagtra-trabaho sa nasabing bansa.

Dagdag pa ng abogado ng Malakanyang, marami ring tulong at ayudang ibinibigay ang China sa Pilipinas lalo na noong panahon ng nakalipas na administrasyon.

 “Sa akin sa personal ok na ok ‘yun pero ano ang counter-measure ng China? Magkano ang export natin sa China? Ilan ang OFW natin sa China? Magkano ang utang natin sa China? Magkano ang ayuda ng China sa atin?” ayon kay Sec. Juan Ponce Enrile, Chief Presidential Legal Counsel.

Dapat din aniyang tiyakin muna ng gobyerno kung may kakayahan ba ang bansa para tapatan ang China lalo na sa aspeto ng puwersa at kagamitan nito bago aniya magbitiw ng salita.

“Kailangan meron tayong puwersa, gastusan natin ang puwersa natin. Ilan ba ang eroplano mo, ilan ba ang water cannon mo, ilan ba ang coast guard mo? Meron ka bang jetski? Meron ka bang Trillanes na puwedeng utusan?” ani Enrile.

Batay naman sa naging resulta ng survey na isinagawa ng OCTA Research noong Hulyo 22-27, lumalabas na 7 sa 10 Pilipino ang pumabor na mas mainam na idaan sa maayos o payapang paraan ang pagpapakita ng territorial rights ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter

Follow SMNI NEWS on Rumble