Job Fair ng DOLE-7 sa Mayo 1, bawal ang mga politiko

Job Fair ng DOLE-7 sa Mayo 1, bawal ang mga politiko

Abril 28, 2025 | Cebu City, Central Visayas—Nagpaalala ang Department of Labor and Employment (DOLE) – Region 7 na bawal ang mga politiko sa lahat ng job fair at aktibidad para sa Labor Day sa Mayo 1, 2025.

Ayon kay DOLE-7 Regional Director Roy Buenafe, malinaw na direktiba na ang ibinaba sa kanilang mga tauhan: hadlangan ang sinumang politiko, incumbent man o kandidato, na susubukang makisali sa kanilang mga programa.

“Para hindi mapulitika ang okasyon, wala tayong imbitasyon o slot para sa mga pulitiko,” pahayag ni Buenafe.

Paliwanag ni Buenafe, nagnanais ang ahensya na mapanatili ang diwa ng pagdiriwang bilang para sa manggagawa, at hindi maging plataporma para sa mga kandidato.

“May ilang kandidatong nagdudulot ng gulo, kaya hindi sila bibigyan ng papel sa aktibidad. Kung magpipilit man, wala silang role sa programa,” dagdag niya.

Walang speaking slot, stage presence, o anumang formal participation ang ibibigay sa sinumang politiko sa nasabing okasyon.

Sa Cebu, gaganapin ang job fair sa isang malaking mall, kung saan mahigit 40 employers ang inaasahang makikilahok, at 4,000+ job vacancies ang alok para sa mga aplikante.

Samantala, magkakaroon din ng overseas job fair sa mga probinsya ng Negros Oriental at Bohol, para sa mga interesadong magtrabaho sa ibang bansa.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble