Jullebee Ranara, nailibing na

Jullebee Ranara, nailibing na

NAILIBING na ang labi ni Jullebee Ranara, ang overseas Filipino worker (OFW) na pinatay sa Kuwait, sa Golden Haven Memorial Park sa Las Piñas City ngayong araw, February 5, 2023.

Alas-8 ng umaga nang magsimula ang funeral cortege ng yumao. Bago inilagak sa hukay, nagbigay muna ng mensahe ang ilang kasapi ng pamilya at kaanak na parehong hiniling ang katarungan para sa biktima.

Sa gitna naman ng seremonya ay nahimatay ang isa sa mga tiyahin ni Ranara dahil sa labis na pagdadalamhati. Nandoon naman si Overseas Workers Welfare Administration Administration (OWWA) Administrator Arnell Ignacio para umasiste kasama na ang ilang mga OWWA officials.

Sa isang panayam ay muling ipinangako ni Admin Ignacio na magpapatuloy ang supporta at tulong ng pamahalaan para sa pamilya ng namatay.

Nandoon din sa libing ang mga kapatid ng pinaslang na OFW na mula rin sa kuwait na si Joanna Demafelis para magpaabot ng pakikiramay. Hiling nito ang agarang hustisya.

“Sana mabigyan po ng hustisya agad-agad.  Hindi gaya sa amin na sobrang tagal po, at sana mabigyan na din po ng hustisya sa amin,” saad ni Joyce Demafelis.

Sagot naman ni Kabayan Partylist Rep. Ron Salo hinggil sa pagpapatupad ng total deployment ban ng OFW sa Kuwait ay kailangan pag-isipan sapagkat maraming implikasyon kung kaya’t dapat ay balansehin.

Matatandaan na Biyernes ng gabi, January 27, nang dumating ang labi ng household service worker na si Jullebee sa bansa na umano’y ginahasa, nabuntis pinatay at sinunog ng 17-anyos na anak ng kaniyang amo.

 

Follow SMNI News on Twitter