HINDI ka lamang bubusugin ng isang kakaibang food festival sa isang mall sa Quezon City kung saan tampok ang mga pagkaing Pinoy dahil marami ka ring matututunan mula sa mga nakatatakam na local food products.
Sa ‘Science Food Festival’ ng Department of Science and Technology (DOST) ay ma-eenjoy ang masasarap na mga pagkaing Pinoy dahil mas maiintindihan mo rin kung paano ba naging ganoon ang lasa, itsura, at amoy ng mga paboritong pagkain nating mga Pilipino.
Gaano kaya karaming mani ang kailangan sa paggawa ng peanut butter?
Bakit ba binabalot sa banana leaves ang mga kakanin?
Bakit nga ba malambot at chewy ang kutsinta?
Ilan lamang iyan sa mga katanungang masasagot sa ‘Kain Tayo sa Science Food Festival’ sa Eastwood Central Plaza sa Quezon City ng Department of Science and Technology-National Capital Region (DOST-NCR) katuwang ang Megaworld Corporation.
Tampok sa food festival ang mga kilala at masasarap na pagkaing Pinoy tulad ng balut, pastil, suman, at marami pang iba.
Bukod sa cultural at historical significance ng mga pagkain, dito malalaman kung paano gumagana ang science sa likod ng mga pagkaing ito mula sa hitsura, amoy, at lasa.
Ang food festival ay isa rin sa paraan ng DOST-NCR upang tulungan ang mga maliliit na negoyso na makarecover mula sa COVID-19 pandemic.
Ang mga negosyong kalahok sa food festival ay mga benepisyaryo ng flagship programs ng DOST-NCR tulad ng Small Enterprise Technology Upgrading Program, Community Empowerment thru Science and Technology at Innovations for Filipinos Working Distantly from the Philippines Program.
Tatagal ang Science Food Festival hanggang Mayo 28.
Pinakamalaking trade show sa bansa, tampok ang mga sangkap at pagkaing Pinoy, bukas na sa publiko
Samantala, opisyal nang nagsimula ang pinakamalaking international trade show sa Pilipinas, tampok ang mga sangkap at pagkaing Pinoy sa World Trade Center sa Pasay City na tatagal hanggang Mayo 28.
Ang International Food Exhibition (IFEX) ay nilahukan ng higit 700 na product exhibitors mula sa iba’t ibang panig ng bansa.
Tampok sa IFEX ang higit 100 na bagong local food products at ingredients na tiyak na papatok ayon sa organizer sa mga international buyer mula America, Middle East, Africa, China, at Europa.
Umaasa ang IFEX na tri-triple ang kikitain ng mga exhibitors ngayong 2023 kompara sa $107-M na export sales noong IFEX 2022.