Prize freeze, handang ipatupad ng DTI sa lubhang tatamaan ng Super Typhoon Mawar

Prize freeze, handang ipatupad ng DTI sa lubhang tatamaan ng Super Typhoon Mawar

HANDANG magpatupad ang Department of Trade and Industry (DTI) ng price freeze upang mapigilan ang pananamantala sa presyo sa mga pangunahing bilihin sa pagpasok ng Super Typhoon Mawar sa bansa, at sa mga lugar na inaasahang lubhang maapektuhan.

Nakatutok ngayon ang DTI sa galaw ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa bansa sa harap ng banta ng Super Bagyong Mawar.

Ayon kay DTI-Consumer Protection Group Undersecretary Ruth Castelo, handa silang magpatupad ng price freeze sakali mang may mga lugar na lubhang maapektuhan ng kalamidad.

Pero, nakadepende aniya ito sa magiging deklarasyon ng mga lokal na pamahalaan.

Sa usapin naman ng hoarding, sinabi ng DTI na hindi nito pipigilan ang mga consumer na mag-imbak kung ito ay gagamit lamang ng pang household o para lang sa mag-anak.

Pinatitiyak naman ng DTI sa mga retail at manufacturer na sapat ang kanilang suplay ng mga produkto lalo na ngayong may paparating na malakas na bagyo.

Ilang pangunahing produkto, nadiskubreng lumabag sa price act

Umaga ng Biyernes ay nag-inspeksiyon ang mga tauhan ng DTI kasama ang ilang local chief officials sa 3 supermarket sa Quezon City.

Ito ay upang matiyak na sumusunod ang mga ito sa SRP ng basic necessities at prime commodities.

Pasok naman sa SRP o mas mababa pa sa SRP ang ilang mga produkto.

Ngunit, sa isang mall ay dalawang produkto ang nadiskubre ng DTI na lumabag sa price act.

Paliwanag ni Castelo, mariing ipinagbabawal ang weight and price reduction sa isang produkto na hindi kinonsulta ang DTI.

Dahil dito, kailangan magsumite ng paliwanag ang manufacturer sa loob ng 24 oras kung bakit hindi ito dapat pagmultahin.

Mamahaling vape products, kinumpiska ng DTI

Samantala, pinagkukumpiska naman ng DTI ang higit 30 mamahaling vape products sa isang shop sa loob ng UP Town Center sa Quezon City.

Batay sa nakasaad sa Republic Act 11900 o ang vape law, hindi maaaring magbenta rito sa loob ng 100-meter radius o sa mga lugar na pinaglalagian ng mga bata.

Paliwanag naman ng store manager, hindi nila alam na ipinagbabawal pala ang pagbebenta ng vape products sa naturang lugar.

Maliban sa DTI, nag-isyu rin ng ‘notice of violation’ ang Quezon City government dahil sa paglabag sa umiiral na city ordinance.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter