Kakayahan ng Marcos Jr. admin na sugpuin ang korapsiyon kinuwestiyon ng beteranong brodkaster

Kakayahan ng Marcos Jr. admin na sugpuin ang korapsiyon kinuwestiyon ng beteranong brodkaster

ISANG matinding kritisismo ang ibinigay ni Jay Sonza, isang beteranong brodkaster, laban sa kasalukuyang administrasyon.

Partikular niyang tinukoy ang paraan ng pamamahala ni Pangulong Bongbong Marcos Jr., lalo na’t kaliwa’t kanan ang mga isyu ng korapsiyon na patuloy na nagpapahirap sa mamamayang Pilipino.

Ayon kay Sonza, isang malinaw na halimbawa ng mga depekto at pagkukulang sa pamamahala ang pagbagsak ng Santa Maria Bridge sa Isabela—isang insidente na hindi lamang naglantad ng mga problemang teknikal kundi pati na rin ng seryosong katiwalian sa proyekto.

“Tulad ngayon, anong nangyari? Lumabas ang katotohanan na korapsyon ang dahilan kung bakit bumagsak ‘yung Santa Maria Bridge sa Isabela. Nothing to do with the design. It has to do,” pahayag ni Jay Sonza, Veteran Broadcaster.

Aniya, matagal nang nalaman na may depekto ang bumagsak na tulay noon pang administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte at dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Mark Villar.

Ang pinakamainit na tanong ngayon, ayon kay Sonza, ay kung bakit ipinagpatuloy pa rin ng kasalukuyang administrasyon ang pagpapondo sa proyekto, kahit na may mga nakitang depekto rito.

Dahil dito, lumalim pa ang isyu kung paano nagagamit ng ilang opisyal sa gobyerno ang pondo para sa sariling interes sa kabila ng mga palatandaan ng katiwalian.

“So, ang tanong diyan, Mr. President, sino ang mga korap sa tao mo? Sino ang nagbulsa ng 55 percent ng pondo ng tulay na ‘yan? Kasi ikaw na rin ang nagsabi, Mr. President, matindi ang korapsyon. Sino ang korap?” ani Sonza.

Bukod sa isyu ng imprastraktura, binigyang-diin ni Sonza ang patuloy na hamon sa sektor ng Agrikultura—isang industriya na lubos na naaapektuhan ng hindi epektibong pamamahala.

Isa sa mga naging halimbawa ng maling pamamahala sa agrikultura ay ang hindi maawat na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin tulad ng sibuyas, na umabot sa P700 kada kilo noong nakaraang taon, habang ang farmgate price nito ay hindi tataas ng P15.

“Ang korapsyon ay hindi lang naman ang pagbubulsa ng pera. Ang korapsyon ay kasama na diyan ang hindi paggalaw ng tama,” aniya.

Isa pang kritikal na isyu na ibinunyag ni Sonza ay ang kakulangan ng aksiyon mula sa Department of Agriculture (DA). Sa kabila ng bilyun-bilyong pisong pondo, patuloy na hindi nasosolusyunan ang mga pangunahing suliranin na nagdudulot ng kahirapan at gutom sa maraming Pilipino.

Ayon kay Sonza, kahit na hawak mismo ni Marcos Jr. ang Department of Agriculture (DA), wala pa ring nakikitang konkretong aksiyon upang tugunan ang mga problemang kinakaharap ng ahensiya. Sa kabila ng pondong inilaan at mga programang ipinangako, ang kakulangan sa tamang pamamahala ay nagpapalala sa sitwasyon.

Sa huli, iginiit ni Sonza na ang tunay na kahulugan ng korapsyon ay hindi lamang pagnanakaw ng pondo kundi pati na rin ang kabiguan ng mga opisyal na gampanan nang tapat at maayos ang kanilang tungkulin. Aniya, ang kawalan ng agarang aksyon sa mga isyu ng bayan ay isang anyo ng katiwaliang sumisira sa kredibilidad ng mga namumuno sa bansa.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble