HINIMOK ni Senator Sherwin Gatchalian ang ilang ahensya ng pamahalaan at local government units (LGUs) na tiyakin ang kaligtasan ng mga kabataan habang inililikas ang mga residenteng maaaring maapektuhan ng pag-aalboroto ng Taal.
Kabilang sa binanggit ni Senator Gatchalian ang Department of Health (DOH), Department of Social Welfare and Development (DSWD) at mga lokal na pamahalaan.
Ayon kay Senator Gatchalian, maliban sa pagkakaroon ng mga ligtas na espasyo para sa mga kabataan, isinusulong nito ang agarang pagbibigay ng mga pangunahing pangangailangan at serbisyo ng mga nabanggit na ahensya katulad ng pagkain, sanitary, hygiene kits at mga psychosocial interventions lalo na sa panahon ng mga kalamidad.
Aniya, ang pagpapamahagi sa mga pangangailangan at serbisyo ay mandato ng Republic Act No. 10821 o ang Children’s Emergency Relief Protection Act.
Nasa ilalim ng nasabing batas ang mas pinaigting at komprehensibong mga hakbang upang masugpo at mamonitor ang iba’t ibang uri ng pang-aabuso at harahasan sa panahon ng kalamidad.
Kasabay ng nasabing mandato, ang DSWD ay isa rin sa mga bumubuo ng Comprehensive Emergency Program for Children.
Layunin nito ay bigyan ng proteksyon at suportahan ang mga pangangailangan ng mga bata, buntis, at lactating mothers.
Binigyang-diin ng senador na ang mga batang babae ay nahaharap sa banta ng karahasan at pang-aabuso sa panahon ng mga kalamidad.
Kaugnay rito, base sa pag-aaral noong 2017 ni Dr. Gloria Luz M. Nelson, isang social science researcher ng Department of Science and Technology National Research Council of the Philippines kung saan ang mga batang babae na may edad 10 hanggang 11 ay humaharap sa panganib na mabuntis o mamolestiya sa panahon ng kanilang pananatili sa mga evacuation centers.
Ito ay mula sa pag-aaral ng doktor hinggil sa epekto ng mga bagyong Yolanda at Ruby noong 2013 at 2014.
Iginiit ni Gatchalian, ngayon ay nahaharap ang mga kabataan sa pinagsamang panganib at pandemya maging ng posibleng malakas na pagsabog ng Bulkang Taal kung kaya’t dapat tiyakin ang kanilang kaligtasan mula sa sakit at pang-aabuso.
Pagkakaroon ng permanenteng evacuation centers, isinusulong
Samantala, inihain ni Gatchalian ang Senate Bill No. 747, sa ilalim nito ay ang pagkakaroon ng permanentemg evacuation centers sa bawat lungsod at munisipalidad sa bansa.
Ito’y upang matugunan ang mga hamon na hinaharap ng mga evacuees katulad ng congestion, kakulangan ng mga pasilidad at iba pang panganib.
Matatandaan, iniulat ng children’s organization na The Save Children na hindi bababa sa 124,000 na mga kabataan ang napiliting lumikas mula sa kanilang mga tahanan noong sumabog ang Bulkang Taal.
BASAHIN: Ilang residente sa Batangas, nangangamba at baka maulit ang 2020 Taal eruption