“‘Rice is life’—bukambibig ‘yan ng maraming Pilipino!
Kapag sinamahan pa ng sariwang gulay at isda, kumpleto na ang hapag-kainan para sa bawat pamilya.
Pero base sa resulta ng 2023 National Nutrition Survey ng Food and Nutrition Research Institute ng Department of Science and Technology (DOST-FNRI)—ang kanin, gulay, at isda pa rin ang mga pagkain na pinaka-nasasayang araw-araw sa mga tahanan.
“Bakit ito ‘yung common? Aside na sila ‘yung may malaking proportion sa doon sa mga Pilipino is that possible ‘yung preparations, cooking and preparation practices ng mga Pinoy. And minsan ‘di maiwasan sa mga pets nila, since ito rin ‘yung kinakain ko, sometimes nag-aallot na rin sila doon sa kanilang mga alagang mga pets,” ayon kay Dr. Eva Goyena Senior Science Research Specialist, DOST – Food and Nutrition Research Scientist.
Ayon pa sa survey, ang mga pamilyang nasa rural areas ay nagtatapon ng halos 152 grams ng pagkain kada araw, habang 109 grams naman kada araw ang sayang sa mga urban households.
Sabi ng National Nutrition Council, climate change ang isa sa mga nakadaragdag sa food waste lalo na sa mga lugar na walang maayos na storage o refrigeration.
“Right nowadays ang environment natin very mainit, madali maspoil, walang refrigerator sa mga rural setting. Syempre ang mga common households naman talaga ay nagluluto ng marami from breakfast to dinner. Kaya makita natin bakit nga may wastage? Kasi spoiled ‘yung pagkain dahil wala silang refrigerator. So isa na iyan naka-impact sa nutrition situation ng country natin. This climate change,” pahayag ni Asec. Azucena Dayanghirang, Executive Director, National Nutrition Council.
Babala ng DOST-FNRI, ang pagtaas ng food wastage ay nakadadagdag sa lumalalang food insecurity o kakulangan sa access sa masustansyang pagkain sa bansa.
“Nakakabahala ito kasi, ‘yung pagkain na iyan na instead po sana makapagbigay ng nutrients sa ibang miyembro ng pamilya ay natatapon o nasasayang lang. So maraming Pilipino batay sa result ang hindi nakaka-meet ng kanilang dietary requirements,” saad ni Dr. Eva Goyena, Senior Science Research Specialist, DOST – Food and Nutrition Research Scientist.
Para walang masayang na pagkain—payo ng mga eksperto—iwasang bumili ng sobrang pagkain, magplano ng pagkain ayon sa aktwal na pangangailangan, at ayusin ang food preparation at storage.