UMABOT na sa apat ang naitalang kanseladong flights sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ngayong araw ng Huwebes, Enero 25, 2024 dahil sa sama ng panahon.
Ayon sa Manila International Airport Authority (MIAA) Media Affairs Division Office, biyaheng Manila patungong Daraga at Virac o vice versa ang mga naaapektuhang flight.
Partikular na rito ang Cebgo flight DG 6193 at flight DG 6194 pati na rin ang Cebu Pacific flight 5J 821 at 5J 822.
Pinapayuhan ang mga naaapektuhang pasahero na makipag-ugnayan sa kanilang airlines para sa rebooking o refund ng kanilang ticket na wala nang anumang babayaran.