ITINUTURING ng Caloocan City Health Department na isang isolated case ang sinapit ng isang umano’y nasawing vaccinee matapos mabakunahan gamit ang Sinovac vaccine noong Marso 29.
Kamakailan ay trending sa social media ang ipinost na larawan ng isang nagngangalang Nicole Omandog Totanis na taga-Caloocan City.
Sa post ni Nicole ay sinabi nito na ang kaniyang ama, 53 years old ay mayroong diabetes at hypertension at nakaranas ng pagkahilo, hirap sa paghinga, pagsusuka, pananakit ng ulo at cramps sa binti nito pagkatapos itong mabakunahan ng Sinovac vaccine hanggang sa ito ay ma-stroke at bawian ng buhay.
Ayon kay Dr. Lily Emporio Chief ng Epedemiology Department ng Caloocan, pasok sa A3 category si Totanis kaya ito nabakunahan.
Sa ilalim ng A3 category ang lahat ng may karamdaman 18-59 years old ay maaaring ma-qualify sa inoculation.
Dumaan din aniya ito sa anim na stations o steps bago ito nabakunahan.
Sa Screening at Monitoring ng doktor sa vaccinee bago at pagkatapos ng paglalapat ng bakuna kay Totanis ay normal naman aniya ang kaniyang vital signs at blood pressure.
Sinabi din ni Emporio na hindi maaring isisi sa Sinovac ang sinapit ni Totanis dahil ito ang kauna-unahang nakatanggap sila ng report na may nasawi mula sa Sinovac.
Samantala una namang sinabi ng Department of Health (DOH) na magkaroon ng pagpupulong ang kanilang Regional Adverse Event Following Immunization Committee (RAEFIC) kasunod ng nasabing insidente.
“Itong sinasabi nilang nakapost ngayon sa FB (Facebook), pag-aaralan at naka-schedule na ang ating RAEFIC na magkaroon ng pagmi-meeting tungkol doon sa nangyaring ito on April 15,” pahayag ni DOH Usec. Rosario Vergeirie.
Sinabi naman ni Food and Drug Administration Director General Eric Domingo na ang lahat ng health issue na nararanasan ng nabakunahan sa loob ng 30 araw pagkatapos ng vaccination nito ay maituturing na adverse effect.
(BASAHIN: FDA, aprubado na ang paggamit ng Sinovac para sa mga senior citizen)