Kauna-unahang cabinet meeting ni Pangulong Marcos, tumagal ng apat na oras

Kauna-unahang cabinet meeting ni Pangulong Marcos, tumagal ng apat na oras

PINANGUNAHAN ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang kauna-unahang cabinet meeting sa Malacañang Palace ngayong araw, Hulyo 5.

Si Vice President at Department of Education (DepEd) Secretary Sara Duterte naman ang nanguna sa opening prayer bago ang pulong.

Dinaluhan din ang naturang meeting nina Executive Secretary Vic Rodriguez, Solicitor General Menardo Guevarra, Interior Secretary Benhur Abalos at iba pang kalihim at mga pinuno ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno.

Kabilang sa diskusyon ang samu’t saring usapin na may kinalaman sa national interest.

Samantala pagkatapos ng cabinet meeting, ay nagpaunlak ng kauna-unahang press briefing si Pangulong Marcos kaninang hapon sa Palasyo ng Malakanyang.

Sa nasabing pulong-balitaan, ibinahagi ng Chief Executive ang mga napag-usapan sa naganap na cabinet meeting.

Una aniyang nagbigay ng kanilang briefing sa naturang pulong ang economic team na kinabibilangan ng Department of Finance (DOF), Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), National Economic and Development Authority (NEDA) hinggil sa sitwasyon ng ekonomiya ng Pilipinas.

Pagkatapos ng economic team, ay sumunod aniya si VP Sara na nagbigay ng kanyang ideya kung paano unti-unting maibabalik ang face-to-face classes sa susunod na semester.

Saad ni Pangulong Marcos, may plano aniya si VP Inday Sara na magkaroon na ng full implementation ng face-to-face classes pagsapit ng Nobyembre.

Naglatag din ng kanilang plano ang Department of Transportation (DOTr) para suportahan ang pagpapatupad ng physical classes.

Ibinahagi rin ng Punong-Ehekutibo ang usapin ng food supply bilang paghahanda sa napipintong food crisis.

Bagama’t may sapat pa aniyang suplay ng pagkain sa ngayon, hirap naman ang mamamayan sa mataas na presyo nito.

Kaugnay nito, sinabi ni Pangulong Marcos na puspusan ang gagawing estratehiya ng pamahalaan para maging abot-kaya ang presyo ng pagkain.

Kinumpirma rin naman ni Pangulong Marcos na nakatakda itong makipagkita kay Chinese Foreign Minister Wang Yi.

Pangunahing agenda aniya rito ang pagpapatibay pa ng relasyon sa pagitan ng Pilipinas at China.

Kasama ang paghahanap ng kapamaraanan upang maresolba ang anumang sigalot.

“Yes I will meet with him and the agenda I’m sure will be to strengthen ties with China and the Philippines and of course, to find ways to resolve the conflicts that we have. One of the ways that I will consistently suggest is that we have our relationship not only on one dimension, ‘yun lang West Philippine Sea, let’s add to that,” pahayag ng Pangulo.

Sa ngayon, wala pang inilatag na iskedyul patungkol sa nakatakdang pakikipagkita ng Pangulo sa Chinese Foreign Minister.

Paglalarawan nga ni Solicitor General Menardo Guevarra na kasama roon sa cabinet meeting, ay napaka-produktibo aniya ang apat na oras na pulong ng Gabinete.

Kaugnay nito, balak ni Pangulong Marcos na sa susunod na dalawa o tatlong linggo, ay i-accelerate na ang bilang ng gagawing Cabinet meetings.

 

Follow SMNI News on Twitter