INIHAYAG ni Kim Jong-un na natapos na ng Pyongyang ang pagtatayo ng kauna-unahang military spy satellite sa lugar at nag-utos na maghanda upang ilunsad ang satellite gaya ng plano.
Isang hakbang ito na inaasahang magpapalaki pa ng tensiyon sa Korean Peninsula.
Ayon sa Korean Central News Agency, ito ang ipinangako ng Pyongyang na kukumpletuhin ang paghahanda sa paglulunsad ng isang military spy satellite sa katapusan ng buwang ito.
Nag-organisa si Kim ng isang non-permanent satellite-launching preparatory committee upang matiyak na ang military reconnaissance satellite no. 1 na nakumpleto noong Abril ay ilulunsad sa nakaplanong petsa.
Ito ay upang lalong pabilisin ang kakayahan ng satellite intelligence-gathering sa pamamagitan ng pag-deploy ng ilang reconnaissance satellite.
Binigyang-diin din ni Kim, na ang nakaplanong paglulunsad at pagpapatakbo ng reconnaissance satellite ay isa sa pinakamahalagang ginawa ng North Korea para sa war deterrence laban sa umano’y schemes ng South Korea at Estados Unidos.
Matatandaan na noong Disyembre ng nakaraang taon, sinabi ng North Korea na nagsagawa ito ng “final-stage test” upang subukan ang paglulunsad ng mga rocket facility para sa paglalagay ng military reconnaissance satellite.
Samantala, isa sa mga dahilan na lalong nagpainit sa tensiyon sa Korean Peninsula ay dahil sa hindi pagtugon ng North Korea cross-border calls ng South Korea sa pamamagitan ng inter-Korean liaison at military communication lines mula noong Abril 7.
Kamakailan lang ay nagsagawa ang Pyongyang ng testing sa iba pang mga malalaking armas, tulad ng paglunsad ng Hwasong-18 solid-fuel ICBM at ang sinasabing underwater nuclear attack drone, bilang protesta laban sa pinagsamang springtime military drills ng South Korea at US.