SUSPENDIDO ang klase sa lahat ng antas ng paaralan sa Munisipalidad ng Sta. Cruz, Laguna matapos ang nakababahalang pagkalat ng “bomb threat” sa social media noong ika-18 ng Hunyo.
Pansamantala ring itinigil ang operasyon ng munisipyo, alinsunod sa kautusan ni Sta. Cruz Mayor Edgar San Luis bilang pag-iingat sa kaligtasan ng mga residente.
Agad namang rumesponde ang mga pulis upang tiyaking ligtas ang mga paaralan at munisipyo mula sa anumang banta.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa naturang bomb threat.
Hinikayat ng alkalde ang publiko na manatiling kalmado ngunit mapagmatyag, at iwasang magpakalat o maniwala agad sa mga hindi beripikadong impormasyon upang maiwasan ang panic at posibleng kaguluhan.
Ayon sa Presidential Decree No. 1727, ipinagbabawal ang pagpapakalat ng pekeng bomb threat, pagbibigay ng maling impormasyon, o pananakot gamit ang pampasabog o iba pang mapaminsalang kagamitan.
Ang sinumang mapatunayang lumabag ay maaaring makulong ng hanggang 5 taon at magmulta ng hanggang ₱40,000.