HUMARAP sa Senado ang Department of Health (DOH) nitong Miyerkules, Disyembre 14 para sagutin ang mga isyu sa mga nabiling COVID-19 vaccines ng pamahalaan partikular ang kontrata na pinasok ng mga ito kasama ang mga vaccine manufacturer.
Matatandaang unang tumanggi ang kagawaran na magpalabas ng impormasyon hinggil sa detalye ng mga kontrata dahil umano confidential ang naturang usapin subalit nitong Huwebes, Disyembre 15 nang tumungo ang DOH sa Commission on Audit (COA).
Layunin nila ang maibigay ang kontrobersyal na non-disclosure agreement (NDA) ng ahensya kasama ang pharmaceutical companies.
Ito ay para maisailalim na rin sila sa special audit dahil hindi sila sakop ng confidentiality agreement ng state auditor.
Pero bago ito, una na ring nanindigan ang DOH na sila mismo ang humiling sa COA na magsagawa ng special audit para sa kanilang nabiling bakuna pangontra sa COVID-19 dahil bahagi ito sa kanilang kasunduan sa pagitan ng mga manufacturer.
Samantala, sa Senate hearing, inamin ng DOH na umabot na sa 44-M ang vaccine wastage ng bansa kung saan ang pagkasira ng bakuna ay galing sa mga private sector at LGUs.