MABIBIGAT na kasong human trafficking, forced labor, at money laundering ang ibinasura ng korte sa Amerika matapos pumasok sa isang plea bargaining agreement ang akusadong leader ng KOJC na si Marissa Dueñas, ang human resources head ng KOJC sa Van Nuys, California.
Sa isang eksklusibong panayam kay Atty. Elvis Balayan, sa ngalan ng mga abogado ni Duenas at isa sa mga abogado ni Pastor Apollo C. Quiboloy, maituturing na isang legal victory ang nasabing kasunduan.
“Napakaganda po sapagkat sa pamamagitan po ng plea bargaining, pumayag ang mga abogado ng Estados Unidos na i-dismiss ‘yung mga napaka-bigat na krimen na isinampa laban sa kanya kagaya ng forced labor, money laundering, human trafficking.”
“‘Yun po ay napakabigat na mga krimen at in a sense po, sabi ng abogado ni Marissa Dueñas, yun ay legal victory,” saad ni Atty. Elvis Balayan, Legal Counsel ni Pastor Apollo C. Quiboloy.
Ang nasabing plea bargain agreement sa US Attorney’s Office ay pinirmahan noong Lunes nina Dueñas at ng kaniyang abogado na si Atty. John Littrell habang pinirmahan din ito ni US Atty. Gregory Stapes noong Martes.
Ipinaliwanag naman ni Balayan ang naging desisyon ni Duenas na tanggaping nakalabag ito sa batas ng Amerika sa usapin ng kasal o marriage.
“’Yun po ay pinasok ni Marissa na part po ng proseso ng Kingdom of Jesus Christ na wala siyang kaalam-alam na ito pala ay punishable po sa batas ng Amerika.”
“But of course, dahil nga ito nga ay punishable o pinaparusahan sa Amerika being krimen, umamin po siya sa kanyang krimen,” dagdag ni Balayan.
Ani pa ni Balayan, iba kasi ang konsepto ng kasal sa loob ng KOJC at sa batas ng Amerika at binigyang-diin na walang intensyong manloko si Dueñas kundi upang magpatuloy lang ang gawain ng simbahan na nakatuon sa pagpapalaganap ng Salita ng Diyos at pagtulong sa kapwa.
“’Yung mga naging sistema o proseso po ng Kingdom of Jesus Christ sa Estados Unidos, na kung saan nagkakaroon ng mga marriage among the members tapos mayroon silang – I think – special procedure to undergo that under the guidance of the Kingdom of Jesus Christ.”
“’Yun po ay sinunod lamang ni Marissa Dueñas, ngayon po sa kasawiang palad, ayon po sa batas ng Estados Unidos, ito ay violation ng kanilang mga batas kung kaya’t si Marissa naman, out of realizing that, kanyang tinatanggap ‘yun pero at the very outset, wala po siyang intensyon na mag-commit ng fraud na tinatawag nila, bagkus gusto lamang niyang sumunod sa mga turo at alituntunin ng KOJC,” ani Balayan.
Samantala, nilinaw rin ni Balayan na hindi totoo ang mga kumakalat na balita na tumalikod na si Duenas sa KOJC bagkus nananatili itong matapat sa simbahan at kay Pastor Apollo C. Quiboloy.
“Pinaka importante na gusto naming bigyang-linaw, si Marissa Dueñas po ay hindi tumitiwalag o lumalaban sa sinuman sa Kingdom of Jesus Christ sa kaniyang pag-enter sa plea bargaining.”
“In fact, sinuportahan niya po ang posisyon ng Kingdom of Jesus Christ na talagang walang krimen na forced labor, money laundering at human trafficking.”
“She remains to be a loyal servant or full-time miracle worker po ng Kingdom of Jesus Christ at kailanman ay hindi siya tumatalikod sa mga turo ni Pastor Apollo Quiboloy or sinuman sa mga kasama niya sa Kingdom of Jesus Christ,” aniya.
Dagdag pa ni Balayan, ang ginawang hakbang ni Dueñas ay hindi makakaapekto sa iba pang mga kasong kinahaharap ng iba pang akusadong KOJC leader sa Amerika.
“Lagi nating dapat sinasabi na ‘yung US government dismissed ‘yung mga napaka seryosong krimen laban sa kanya. It does not in any manner weigh or no matter how you look at it affect or prejudice ‘yung kanyang mga kasamang akusado sa mga charges na ‘yun lalong-lalo na kay Pastor Apollo Quiboloy,” giit nito.
Sa huli, mensahe naman ni Balayan na huwag hayaang magpakalat ng fake news o mang-intriga ang publiko na pilit idinidiin si Pastor Apollo C. Quiboloy na nananatiling inosente sa harap ng batas sa kabila ng mga alegasyong ibinabato sa kaniya.
“Malayo naman sa logic, kung como may nagkaroon ng [kaso] si Marissa doon ire-relate mo kay Pastor. Maliban na lang gumawa ka ng fake news o intriga. May mga sariling hinaharap na kaso dito si Pastor at ‘yung kanyang mga kasamang akusado.”
“And under our Constitution, the presumption of innocence prevails until you are proven guilty beyond reasonable doubt. Huwag po natin babaliktarin or bibigyan ng maling interpretasyon ang batas lalong-lalo na ang ating Konstitusyon,” pahayag ni Balayan.
Samantala, kasunod nito, naglabas naman ng pahayag ang KOJC bilang suporta kay Dueñas.
Ayon sa KOJC, kinikilala nito ang naging katapatan at sinseridad ni Dueñas sa paglilingkod bilang isang misyonaryo sa Amerika.
Bagamat nakalabag ito sa batas ng lupa dahil sa pagnanais na mas makatulong pa sa gawain, mananatili pa ring nangingibabaw ang turo ng Bibliya, kabilang na rito ang pagsunod sa batas ng lupa.
Kaya naman ayon sa KOJC, patuloy silang susunod sa tamang proseso ng buong tiwalang ipinapaubaya ang lahat sa Kalooban ng Diyos sa Kaniyang paggawad ng makalangit na hustisya.