Kwalipikasyon ni Bamban Mayor Guo, pwede pa ring kuwestyunin; Perjury case, maaaring isampa vs Guo—COMELEC

Kwalipikasyon ni Bamban Mayor Guo, pwede pa ring kuwestyunin; Perjury case, maaaring isampa vs Guo—COMELEC

NASA hot seat ngayon si Bamban Mayor Alice Guo matapos pagdudahan ang kaniyang citizenship dahil sa pagkakadawit ng pangalan niya sa operasyon ng POGO Hub sa Tarlac.

Napagdudahan itong isang Chinese spy sa pagdinig ng Senado dahil sa kawalan diumano nito ng official records na isa siyang Pilipino.

Tuloy, ang COMELEC natanong, kung ano ang posibleng kahihinatnan ng posisyon nito bilang halal na alkalde.

Unang nilinaw ni COMELEC Chair Atty. George Garcia, na walang kumwestiyon sa Certificates of Candidacy (COC) na isinumite ni Guo kaya nagawa nitong makatakbo sa halalan.

Wala rin aniyang kumwestiyon sa kaniyang application of registration.

“Sa kalagayan po ng naturang personalidad, sa verification po namin wala pong nag-file ng disqualification sa kaniya bilang isang kandidato. In fact, noong nagparehistro siya noong April 2021 bilang isang botante, wala ni isang nag-oppose sa kaniyang application for registration, kaya ito ay na-approve ng Election Registration Board,” saad ni Atty. George Garcia, Chairman, COMELEC.

Sa pagpasa ng COC, hindi obligado ang mga kandidato na patunayan na sila ay Filipino citizen para maging isang kandidato.

Hindi rin obligado ang mga tatakbo na magpakita ng anumang dokumento tulad ng birth certificate.

“As far as the COMELEC is concerned, ang sinusubmit lang po sa atin base sa ating batas, base sa desisyon ng Korte Suprema, ay Certificate of Candidacy. Wala pong nire-require ang batas na i-submit..na patunayan mo, na dalhin mo ang nanay at tatay mo para patunayan na ikaw ay Pilipino. Dapat po nating puntahan o dadako sa ating depinisyon. Sino ba ang Filipino Citizen? Dalawa ang citizen sa Pilipinas. Naturally born. Nanay, Tatay mo Pilipino o di kaya’y naturalize. Dati kang Foreigner, pero dahil nagasawa ka ng Pilipino or such other reason, ikaw ay naturalize,” dagdag ni Garcia.

“Hindi po nire-required ng ating batas na magsu-submit ng dagdag na dokumento para patunayan na ikaw ay of age. Wala pong birth certificate requirement para patunayan na ikaw ay Filipino citizen o kaya’y isu-submit mo ang iyong voter’s ID o voter registration, wala pong ganun,” aniya pa.

Wala rin aniya sa hurisdiksiyon ng COMELEC na magkansela ng COC kung wala silang natatanggap na petisyon mula sa isang rehistradong botante na kumukwestiyon sa kaniyang nationality.

Sinabi rin nito ang hurisdiksiyon nila sa mga kandidato ay epektibo lamang mula sa kanilang pag-file ng COC hanggang sa proklamasyon.

Pero ayon kay Garcia, pwede pang kwestiyunin sa korte ang eligibility o kwalipikasyon ni Guo sa kaniyang posisyon.

“Kahit po, nanalo na pwepwede pa rin po na habulin ang kaniyang kwalipikasyon o eligibility sa pamamagitan ng pagfa-file ng tinatawag na petition for quaranto,” dagdag pa nito.

Maaari din aniyang masampahan ng perjury si Guo kung mapatutunayan na nagsinungaling siya sa kaniyang COC na isa siyang Filipino citizen.

“Ang sabi po ng batas para makatakbong Mayor, dapat ay citizen of the Philippines. Ibig sabihin, whether naturally born o naturalized citizen. Doon po sa certificate of candidacy, may declaration po doon I am a citizen of the Philippines, ‘yan po ay pinanumpaan niya. Kung mapapatunayan na hindi pala siya totoong Filipino citizen, maari po siyang maging liable o makasuhan ng perjury,” aniya.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter