Lacson-Sotto tandem, iiwasan ang pagkokomento sa mga makakalabang pulitiko sa 2022

Lacson-Sotto tandem, iiwasan ang pagkokomento sa mga makakalabang pulitiko sa 2022

TUTUTUKAN ng Lacson-Sotto tandem ang mga isyung kinakaharap ng bansa kaysa sa mga personalidad na tatakbo sa darating na halalan.

Inihayag ni Senator Panfilo “Ping” Lacson Sr. na napagdesisyunan nila ni Senate President Tito Sotto III ang hindi na pagkomento sa mga pulitikong makakalaban nila sa May 2022 elections.

Ibinahagi ito ng senador matapos ang ginawang pag-anunsyo at paghain ng kandidatura ni Vice President Leni Robredo para sa pagkapangulo kahapon, October 7, 2021.

Ayon kay lacson, itutuon nila ang kanilang buong pansin sa pagpapakilala ng kanilang mga sarili sa mga botante para mahalal base sa kanilang kakayahan at hindi dahil sa kakulangan ng kalaban.

“We will focus only on presenting ourselves and our competencies to the electorate in an effort to get elected based on our own strengths, and not on the deficiencies of the others. We will raise the level of discourse of the campaign and deal with issues rather than personalities. We intend to keep it that way, even as we encourage our supporters to follow our lead,” saad ni Lacson.

Maliban kay Robredo, naghain na rin ng kanilang kandidatura para sa pagkapangulo sina dating senador Bongbong Marcos, Sen. Manny Pacquiao at Manila Mayor Isko Moreno.

Sa pagka-bise presidente naman, ilan sa mga kilalang personalidad na makakalaban ni Sotto ay sina Rep. Lito Atienza at Doc. Willie Ong.

Samantala, tapos na ring makapaghain ng Certicifate of Candidacy (COC) sa pagka-senador ang ilang mga aspirant na kakampi o ally ng Lacson-Sotto tandem gaya nila dating Makati Rep. Monsour del Rosario na tumatakbo sa ilalim ng Partido Reporma party.

Ganun din si dating Quezon City Mayor Herbert Bautista na tatakbo sa ilalim ng Nationalist People’s Coalition.

Nakapag-file na rin ng COC si dating Vice President Jejomar Binay para sa pagka-senador sa ilalim ng United Nationalist Alliance (UNA) party. Ngunit magiging bahagi  si Binay sa senatorial slate ng Lacson-Sotto tandem.

Tatakbo rin sa ilalim ng naturang tandem si Dr. Minguita Padilla na kasalukuyang adviser ng Department of Health (DOH).

Sinabi naman ni Sotto na ilalabas nila ang pinal na listahan ng kanilang senatorial slate pagkatapos ng huling araw ng pag-file ng COC.

SMNI NEWS