SA Waterlily Festival ng Las Piñas, bida rito ang iba’t ibang gamit na gawa sa waterlily tulad ng bag, basket, at marami pang iba.
Nitong araw ng Martes, ang pagdiriwang ay personal na pinangunahan ni Sen. Cynthia Villar kasama ang dalawang anak na sina Mark at Camille.
“Nagsisilbi siyang paalala sa atin ng kahalagahan ng ating kalikasan. Kasi ang mga waterlily ‘pag nasa river natin ay nagca-cause ng baha or flood kapag nag-overflow ang mga river, yet we found a way, siyempre nasimulan ng aking mama na si Senadora Cynthia Villar, na gumawa ng iba’t ibang produkto mula sa waterlily,” ayon kay Congw. Camille Villar.
“At dahil po sa mga project ng aking nanay halos nawala po ang waterlily sa ating mga ilog at nagamit sa mga handicrafts katulad ng mga dresses. Nakikita niyo po na napapakinabangan po ang waterlily na dati ay sanhi ng baha,” ayon naman kay Sen. Mark Villar.
Tampok din sa festival ang paghirang sa mga nanalo sa Ms. Waterlily Pageant 2024 at “Sayaw Kabataan para sa Kalikasan”.
Ang Ms. Waterlily 2024 ay iginawad kay Lois Vivien Garce mula sa Brgy. Talon 5 na nag-uwi ng crown, sash, trophy, at cash prize na P30,000.
Nanalo naman sa dance competition bilang grand champion ang Brgy. Elias Aldana na nag-uwi ng trophy at P30,000 cash prize.
Suot ng mga lumahok sa nasabing kompetisyon ang mga kasuotang gawa sa waterlily at iba pang recyclable materials.
“Every year siguro P5-M worth of baskets ang nagagawa namin out of waterlilies. Kasi ginagamit ‘yan ng mga supermarket para gift basket nila and they found it cheap and nice kaya buhay na buhay ang aming waterlily livelihood project,” ayon naman kay Sen. Cynthia Villar, Managing Director, Villar SIPAG Foundation.
Sa mga nakalipas na taon, sanhi ng pagbaha ang waterlilies hanggang simulan ni Villar ang “Sagip Ilog Program” upang ayusin ang Las Piñas-Zapote River.
Ang mga trak-trak na waterlilies na nakolekta ay ginawang baskets, trays, mats, hampers, slippers, chests at lampshades, na lumikha na rin ng kabuhayan sa mga Las Piñeros.