Libreng sakay sa mga public utility bus, nag-umpisa na

Libreng sakay sa mga public utility bus, nag-umpisa na

SIMULA ngayong Lunes ay umpisa na ng libreng sakay sa EDSA Bus carousel na bahagi ng Service Contracting Program Phase 3 ng pamahalaan.

Ang naturang programa ay pinangunahan ng Department of Transportation (DOTr) katuwang ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, tulad ng Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Labor and Employment (DOLE), Land Transportation Office (LTO), Cooperative Development Authority (CDA), Securities and Exchange Commission (SEC), Union of Local Authorities of the Philippines, Office of Transportation Cooperatives, at ng Inter-Agency Council for Traffic na muling ipagpapatuloy ito sa ilalim ng General Appropriations Act 2022 na may kabuuang pondo na P7 bilyon.

Layunin ng programa na matulungan ang mga kababayang operator, driver, at commuter na patuloy na naapektuhan ang kita dahil sa pandemya at ang patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina.

Ipinaliwanag naman ni Undersecretary Mark Steven Pastor ng DOTr kung bakit nasa 515 bus units lang ang inaprubahan para sa Libreng Sakay program ng pamahalaan.

Sa kabila nito, malaking kaginhawaan naman ito sa mga pasahero na naghihigpit ng sinturon sa mga panahong ito.

Sa katunayan, maaring pumili ang bawat operator ng dalawang uri ng kontrata, una na rito ang Gross Contract kung saan ang mga kalahok sa programa ay bibigyan ng pagkakataon na kumita base sa bilang ng biyahe na kanilang itinakbo kada linggo, may sakay man sila o wala.

At ikalawa, ang Net Contract kung saan bukod sa kita mula sa kanilang pamamasada ay bibigyan sila ng pagkakataon na kumita base sa bilang ng biyahe na kanilang itinakbo kada linggo.

Para sa Gross Contract, ang dating P82.50 pesos na bayad per kilometro sa mga consolidated PUBs, tourist bus at mini-bus, ay itinaas sa P84.00.

At ang dating P52.50 na bayad per kilometro sa mga consolidated modern at traditional PUJs at UVEs ay itinaas naman sa P 54.00.

Habang para naman sa Net Contract, ang dating PhP 45.50 pesos na bayad per kilometro sa mga consolidated PUBs at Mini-Bus, ay itinaas sa PhP 46.50.

At ang dating Php 27.00 na bayad per kilometro sa mga consolidated modern at traditional PUJs at UVEs, at Filcab ay itinaas sa Php 28.00.

Libreng sakay, palalawigin pa sa Luzon, Visayas at Mindanao – DOTR

Samantala, inaasahan naman ang pagbubukas ng mga karagdagang ruta at pag-arangkada ng mga karagdagang public utility vehicle para sa Libreng Sakay sa buong bansa sa mga susunod na araw.

Dagdag pa nito, epektibo ang naturang Libreng Sakay program ng pamahalaan hanggat may sapat na pondo para sa mga kababayang driver at operator at pati na rin sa mga commuter upang makatipid sa gastusin sa transportasyon.

Pinaalalahanan naman ni Usec. Steven Pastor ang mga drayber, operator na sundin ang mga regulasyon na ipinatutupad ng gobyerno para maging maayos at ligtas ang biyahe araw-araw.

BASAHIN: Libreng sakay sa MRT-3, alok ng pamahalaan simula Marso 28 hanggang Abril 30

Follow SMNI News on Twitter