OFWs sa abroad, tumaas ang interes ng pagboto sa eleksyon dahil kay Pang. Duterte – OFW group

OFWs sa abroad, tumaas ang interes ng pagboto sa eleksyon dahil kay Pang. Duterte – OFW group

MAHIGIT sa 1.6 million na overseas Filipino workers (OFWs) ang rehistradong botante para sa eleksyon ngayong taon.

Ngunit sa pagsisimula ng kanilang botohan, may ilang reklamo ang ating mga kababayan.

Ilan sa mga bumobotong OFW sa Rome, Italy ay nakatayo at sa labas lamang ng embahada nagsusulat.

Reklamo ng kababayang nagngangalang si Daisy Villanueva Solomon, sana raw ay maaksyunan ang kalagayan nila doon sa pagsisimula ng overseas absentee voting (OAV).

“Wala po silang place, wala po kaming place para fill-upan yung amin pong mga balota para bumoto,” ani Solomon.

Nagpahayag din si senatorial candidate Rey Langit ng kanyang saloobin kaugnay sa sitwasyon ng mga botante sa ibang bansa.

“Kahit na bigyan lang naman ng upuan ang ating mga OFWs para naman kahit na papaano eh maalalalayan sila lalo na yung mga may edad nang OFW,” ani Langit.

Mobile at postal voting ang mode ng botohan sa Italy.

Batay sa datos ng COMELEC, mahigit sa 21,000 ang registered voters sa Rome habang mahigit sa 15,000 naman ang mga rehistrado sa Milan.

Sa buong Europa, mahigit sa 150,000 ang rehistrado at eligible na sumali sa OAV.

Para naman sa AKO-OFW, isolated case at may mabilis na solusyon ang sinapit ng mga OFW sa Italy.

“Unang-una bigyan ng liability ang embahada, dapat magkaroon tayo ng batas na bigyan ng liability ang mga personnel ang mga embahada natin dito na hindi pina-practice ang naaayon kasabayan ng ginagawa na sa Pilipinas,” ayon kay Nald Santos, 3rd Nominee ng AKO-OFW Party-list.

Sa kabila ng mga hamon, giit ng senatorial candidate na si Astra Pimentel na tumaas ang interes ng mga Pilipino sa ibayong dagat na bumoto.

At dahil nga uhaw sa pagbabago ang mga Pinoy abroad kahit malayo sa bansa, ay umapaw ang kanilang suporta noon kay PRRD.

At ngayong eleksyon na naman, aktibong-aktibo uli ang mga OFW sa mga ganap sa pulitika.

“Lalong-lalo na noong si Pangulong Duterte nakita natin na tumaas ng tumaas ang mga botanteng Pilipino at nagpaparehistro because they have realized sa power of their vote,” ayon kay Pimentel.

Noong 2016 elections, mahigit sa 300,000 ang overseas votes para kay PRRD.

Panawagan naman ng AKO-OFW sa mga kababayan, huwag lang hanggang sa pagpapa-rehistro kundi gamitin ang inyong karapatan at bumoto.

“Lumabas po tayo at bumoto. Kung it means to be absent for our jobs then so be it. Once in every 6 years lang po tayo bumoboto ng Presidente natin, ibigay po natin ang ating boto,” pahayag ni Marcia Gonzales Sadicon, President ng AKO-OFW.

Sa mismong ‘election day’ o ngayong Mayo 9 magtatapos ang overseas absentee voting.

At para matiyak na tama ang resulta, nagsasagawa ng exit polls ang ating mga kababayan sa abroad.

Follow SMNI News on Twitter