MAY handog ang pamahalaan na libreng sakay sa lahat ng mga pasahero ng MRT-3 Line 3 simula Marso 28 hanggang Abril 30.
Ito ang inanunsiyo ni Pangulong Rodrigo Duterte sa ginanap na inagurasyon ng pagtatapos ng MRT-3 rehabilitation project.
Ang naturang proyekto ay na pinondohan ng gobyerno katuwang ang Japan International Cooperation Agency (JICA).
Sa isang talumpati, sinabi ni Duterte na ang pagtatapos ng rehabilitasyon ay patunay lamang na ginagawa ng pamahalaan ang lahat para mabigyan ng magandang serbisyo ang mga Pilipino.
“The MRT is proof that we are keeping our momentum in improving our national road system which aims to deliver quality service to the Filipino people and respond to the emergency of a new normal,” pahayag ng Pangulo.
Saysay pa ng Pangulo, mula sa 25 kilometers per hour ay tumatakbo na ngayon ang mga tren ng MRT ng 60 kilometers per hour.
Ipinagmalaki naman ng Punong Ehekutibo na nasa 18 hanggang 22 na ngayon ang tumatakbong train units mula sa 12 hanggang 15 bago ang rehabilitasyon.
“With the joint effort of these companies and the DOTR, we have increased our train speed from 25 km per hour to 60 per hour while the time interval between train arrivals has improved to 8 to 10 minutes,” ayon sa Pangulo.
Ang travel time naman mula North Avenue hanggang Taft Avenue ay magiging 45 minuto na lamang mula sa isang oras at 15 minuto.
Bukod pa nito, nasa 600,000 na ang average na bilang ng pasahero na kayang maisakay ng tren, mula sa dating 200,000 mga pasahero.
Inihayag pa ni Pangulong Duterte na isa sa mga kritikal na proyekto sa ilalim ng “Build Build Build” program ng gobyerno ang rehabilitasyon ng MRT-3 na layong maibsan ang kakulangan sa pampublikong mga imprastuktura sa bansa.