KINUMPIRMA ng Department of Foreign Affairs (DFA) na walang Pilipino ang nadamay sa 7.3 magnitude na lindol na tumama sa Solomon Islands.
Ayon sa DFA, niyanig ng 7.3 magnitude na lindol ang Solomon Islands sa Karagatang Pasipiko, malapit sa timog-kanlurang rehiyon ng Malango bandang alas 12:30 ng tanghali nitong Martes na nagdulot ng pinsala sa mga gusali kabilang na ang lumang gusali ng Honiara International Airport.
Base sa pahayag ni MS Myrtle Atienza, ang presidente ng Filipino Association sa Solomon Islands, walang agarang ulat ng mga nasawi, o mga babala ng tsunami.
Nagkaroon din ng mga sunod-sunod na aftershocks at pagkawala ng supply ng kuryente sa lugar matapos ang insidente.
Habang bahagyang naibalik naman ang mga linya ng komunikasyon.
Tiniyak naman ng Embahada ng Pilipinas sa Port Moresby na patuloy nilang minomonitor ang sitwasyon.
Sa datos ng DFA, nasa 566 na Pilipino ang mayroon sa Solomon Islands.
Karamihan sa mga Pilipino doon ay mga professional na nagtatrabaho sa mga opisina at construction workers.
Samantala bukod sa mga Pilipino, wala ring naiulat na nasugatan o namatay sa insidente ngunit ang mga tao sa kabisera ng Honiara ay nakaranas ng labis na pagyanig at panginginig sa loob ng humigit-kumulang 20 segundo.
Sa gitna ng agarang babala ng tsunami, pinayuhan ng Prime Minister’s Office ang mga lokal na lumipat sa mas mataas na lugar.
Matatandaan noong Lunes, Nobyembre 21 nakaranas din ng 5.6 magnitude na lindol ang West Java, Indonesia kung saan naiulat na walang Pilipino ang nadamay.