KASALUKUYANG nag-aangkat ang Pilipinas ng mga meat o poultry product na Halal certified.
Ito’y ayon kay Department of Trade Industry o DTI-Industry Development and Investment Promotions Group Program Manager Aleem Siddiqui Guiapal. Aniya, ito’y dahil kinukulang ang lokal na suplay ng bansa.
At sabi ni Guiapal, ito ang isa sa binibigyang-atensyon ng kanyang opisina.
‘’Kinukulang iyong ating local supply. So, we really wanted to give attention to that especially for the domestic market,’’ ayon kay Aleem Siddiqui Guiapal Program Manager, Industry Dev’t & Investment Promotions Group, DTI.
Nabanggit naman ng opisyal na ang Department of Agriculture ay mayroon ding mga pagsisikap na magkaroon ng karagdagang mga poultry farm sa bansa.
‘’In terms na mga product naman po na kailangan nating bigyan ng atensiyon, the Department of Agriculture is really making an effort na magkaroon tayo ng mga farm. In terms of the availability naman po ng mga meat products na halal-certified,’’ saad ni Guiapal.
Ang Halal ay salitang Arabic na nangangahulugang ‘permissible’ o nararapat na mga pagkain at serbisyo na maaaring tangkilikin ng mga Muslim, hindi lamang dito sa Pilipinas kundi sa iba’t ibang bahagi rin ng mundo.
‘’It involves mga Sharia-compliant na proseso. Example po, non-presence of halal products katulad po ng pig, bawal po sa amin iyon at pati na rin po iyong mga produkto na for example like the chicken and the meat kailangan pong properly slaughtered, so iyon po ang ibig sabihin ng halal,’’ ani Guiapal.
Inilahad naman ng opisyal na parami nang parami na ang mga produkto na nangangailangan ng Halal certification para mas makilala rin ang mga Halal product ng Pilipinas sa ibang bansa.
Kaugnay nito, kabilang aniya sa programa ng DTI ang pagsusulong ng national brand campaign na “Halal Friendly Philippines.”
Ito’y sa pamamagitan ng mga partisipasyon ng Pilipinas sa iba’t ibang international Halal expo at forum.
Sambit ni Guiapal, may kompetisyon dito sa mga mangangalakal kung saan kabilang sa requirement na ang kanilang produkto ay Halal-certified; dapat exportable at competitive ang produkto.
Ipinahayag din ng opisyal ng ahensya na marami ring mga produkto na non-meat na Halal-certified.
‘’Ang ginagawa po ng Department of Trade and Industry, we published the call for participation at iyong mga best of the best ng mga produkto na kuwalipikado po, isinasama natin sila. So, ang trabaho po Department of Trade and Industry we help with the funding, pagdating sa participation sa expo,’’ wika ni Guiapal.