HUMIHINGI ng hustisya ngayon ang mag- inang overseas Filipino workers (OFWs) matapos makaranas ng matinding pambubugbog mula sa anak ng kanilang employer.
Posibleng patung-patong din ang kasong haharapin ng employer, dahil mula sa Jordan dinala nila ang mag-ina sa Iraq kung saan, doon nangyari ang insidente.
Namamaga, nangingitim at parang lantang gulay ang halos buong katawan, ito ang sinapit ng mag-inang OFWs dahil sa pambubugbog ng anak ng kanilang employer.
March 30, 2023 nang mangyari ang matinding pagmamaltrato sa mag-inang OFWs ng anak ng kanilang employer.
Sa eksklusibong interview ng SMNI News sa recruitment agency nito, hindi sila nagpabaya sa monitoring sa mag-inang OFWs.
Nang mangyari ang insidente doon pa nalaman na pabalik-pabalik na pala silang dinadala ng kanilang emplolyer sa Iraq na walang abiso.
Pinagbintangan din umano sila ng anak ng kanilang employer na nagnakaw ng US $49K dahilan para saktan sila.
“Nagulat na lang kami na nandoon sila, na hindi sila nagpaalam sa office, sila yung pinagbintangan,” sabi Jucell Lumales, General Manager, Al-Bayan International Manpower Services Co.
Pinakulong pa umano ng anak ng kanilang employer ang mag-ina, pero dahil walang mapatunayang sila ang nagkuha sa pera, agad naman silang nakalaya.
11 taon nang nagtatrabaho si Elisa sa kaniyang employer sa Jordan.
Nagtagal ito, dahil sa mabait at maayos naman ang suweldong natatanggap mula sa kaniyang employer.
Kaya dahil sa kampante si Elisa dinala niya ang anak na si Jocel sa Jordan na parehong naninilbihan sa naturang employer.
Pero ang araw na yun ay hindi nila inaasahan na gagawin ng anak ng kanilang employer sa kanila.
Sa ngayon, hustisya ang nais na makamit ng mag-ina at ng kaniyang recruitment agency.
Mula sa Jordan ay nag flight patungong Iraq ang foreign recruitment agency nito na The Nations for Intermediary Recruiting House Workers Company Limited para asikasuhin ang mag-ina.
Nakahanda ring tumulong ang Philippine Recruitment Agency sa mag-ina habang nakahanda na itong sampahan ng kaso ang kanilang employer.
Ayon kay Atty. David Castillon, hindi lang ang anak ng employer ang dapat kasuhan, kundi pati mismo ang employer ng mag-inang OFWs lalo na kung nandiyan ang mga ito, nung nangyari ang pagmamaltrato.
“Yun kasing pagmamaltrato patong- patong ang violation foreign agency kung kinakailangan,” ani Atty. David Castillon, Founder Special Alliance of Welfare Officers, Advocates, Recruiters and Migrant Workers Inc. (SWARM).
Ipinagbabawal din sa batas ng Pilipinas na dalhin ng mga employer ang mga OFWs kahit saang bansa na nais nila mula sa kanilang job site.
“Ayan din, ang mahigpit na pinapaalala namin sa lahat ng mga OFW…so dapat dinodocument kasi,” dagdag ni Castillon.
Sa ngayon, hindi pa matukoy kung saan gagawin ang paghain ng kaso sa mga employer, kung ito ba ay sa Jordan o sa Iraq kung saan naganap ang insidente.
Nakipag-ugnayan na rin sila sa Embahada ng Pilipinas doon at sa Philippine Overseas Labor Office, Overseas Workers Welfare Administration (POLO-OWWA) kaugnay sa kalagayan ng mag-inang OFWs.
“Kung doon nila kakasuhan sa Iraq thru the assistance basta mabigyan ng hustisya ayos po sa atin yun,” pagtatapos ni Castillon.