NAG-AMBAG sa pagbaba ng presyo ng bilihin ang magandang panahon ayon sa isang ekonomista.
Itinuturong dahilan ni Rizal Commercial Banking Corporation (RCBC) Chief Economist Michael Ricafort sa panayam ng SMNI News na ang maganda na panahon ang dahilan para hindi masira ang mga pananim.
Kung ikukumpara noong nakaraang taon aniya, maraming bagyo ang pumasok sa bansa na nagiging sanhi para masira ang mga pananim ng mga magsasaka.
Sa pinakahuling ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA), bumagal pa sa antas na 5.4 porsiyento ang headline inflation o ang pagtaas ng presyo ng mga produkto at serbisyo sa bansa nitong Hunyo 2023.
Ang average inflation mula Enero hanggang Hunyo 2023 ay nasa antas na 7.2 porsiyento.
Sinabi ng PSA na ang pangunahing dahilan ng pagbagal ng antas ng inflation noong nakaraang buwan kaysa noong Mayo 2023 ay ang mas mabagal na paggalaw ng presyo ng food and non-alcoholic beverages.