Magna Carta para sa BHWs, isinusulong ni Sen. Gatchalian

Magna Carta para sa BHWs, isinusulong ni Sen. Gatchalian

KASUNOD ng pagtatapos ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE), isinusulong ni Sen. Win Gatchalian ang Magna Carta for Barangay Health Care Workers (BHWs) para mapangalagaan ang kalusugan at kapakanan ng mga komunidad.

Inihain niya ang Senate Bill No. 1840 na kinikilala ang papel ng BHWs bilang mga community organizers, educators, primary healthcare service providers, at iba pa.

Nakasaad sa panukalang batas ang mga iminumungkahing dagdag benepisyo at mga incentive na akma sa pangangailangan ng mga barangay health frontliners.

“Ang mga Barangay Health Workers ang isa sa mga pinakamalapit sa ating mga kababayan sa paghahatid ng mga mahahalagang serbisyong pangkalusugan. Ngunit napag-iwanan na ng panahon ang mga benepisyong ibinibigay natin sa kanila, kaya naman panahon na upang ibigay sa kanila ang nararapat na mga benepisyo batay sa ginagampanan nilang mga responsibilidad,” ayon kay Sen. Win Gatchalian.

Ayon sa senador, hindi na tugma ang aktwal na papel na ginagampanan ng mga BHWs sa mga benepisyo, sahod, at proteksiyong nakasaad sa Republic Act No. 7883 o ang Barangay Health Workers’ Benefits and Incentives Act of 1995.

Kabilang sa mga iminumungkahi ng senador ang mga sumusunod: buwanang honoraria na hindi bababa sa P3,000, ngunit maaaring itaas batay sa prevailing market value; hazard allowance na itatakda ng local health board ng local government unit (LGU), ngunit hindi bababa sa P1,000 kada buwan; transportation allowance na hindi bababa sa P1,000 kada buwan; at one-time gratuity cash incentive na hindi bababa sa P10,000 para sa mga nakapagsilbi ng 15 taon.

Iminumungkahi rin ng mambabatas ang mga discount privileges, benepisyong pangkalusugan, insurance coverage, sick at maternity leaves, libreng legal services, preferential access sa mga loan, training, education, at career enrichment programs, bukod sa iba pa.

Ipinagbabawal din ng panukalang batas ang diskriminasyon laban sa BHWs. Nakasaad sa panukalang batas na walang BHW ang tatanggalin sa puwesto maliban kung may matinding dahilan na tinukoy ang local health board.

Mandato naman sa mga local health boards na bumuo ng mga grievance mechanism, kung saan iproproseso ang mga reklamo ng BHWs laban sa mga umano’y diskriminasyon at hindi makatarungang pagkakatanggal sa puwesto.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter