MATAPOS ang opisyal na pagtatapos ng enrollment para sa School Year 2023-2024 nitong Sabado, Agosto 26, nakapagtala ang Department of Education (DepEd) ng kabuuang 22.3-M rehistradong estudyante.
Kasama na rito ang mga enrollees sa pampubliko at pribadong paaralan maging ang mga state universities and colleges at local universities and colleges na nagbibigay ng Basic Education programs.
Naitala naman sa Region 4-A ang pinakamataas na bilang ng enrollees na may mahigit 3.4-M.
Nakapagtala rin ang Region 3 at ang National Capital Region (NCR) ng mataas ng bilang ng mga enrollees– mahigit 2.5-M sa Region 3 at mahigit 2.4-M sa NCR.
Pero nilinaw ng DepEd na patuloy pa rin itong tatanggap ng late enrollees sa mga pampublikong paaralan.
Opisyal namang magsisimula ang pasukan bukas, araw ng Martes, Agosto 29.