NASA kabuuang 753,480 doses ng bakunang Pfizer ang dumating na sa bansa kagabi.
Ang naturang bakuna ay sakay ng Hong Kong Air flight LD456 na lumapag pasado alas 9:00 kagabi sa Ninoy Aquino International Aiport Terminal-3.
Ang mga naturang bakuna ay sinalubong nina NTF Special Adviser Dr. Teodoro Herbosa at US Embassy Economic Officer Saptarshi Basu at iba pang opisyal ng Department of Health (DOH).
Sa bilang ng mga bakunang dumating, ang 650,020 doses nito ay deretsong dinala sa Pharmaserv Express sa Marikina City .
Ang 51,480 doses ng bakuna ay deretso nang inihatid sa Cebu City kagabi at ngayong araw naman nakatakdang dalhin sa Davao City ang parehong 51,480 doses.
Ayon naman kay Dr. Herbosa ang higit 650,000 doses ay mapupunta sa Luzon island at sa iba’t ibang bahagi ng Region 3 at 4A partikular na sa mga lugar na may high risk ng COVID-19.
Kabilang dito ang Cavite, Laguna, Batanggas, Bulacan, Pamgpanga ganun din sa National Capital Region (NCR) na kasalukuyan pang nangangailangan ng bakuna.
Sa bilang na ito ayon pa kay Herbosa nasa 56.5-million doses na ng bakuna kontra COVID-19 ang tinanggap na ng Pilipinas.
Inaasahan na mas bulto–bulto pa ng bakuna ang darating sa mga susunod pang araw at buwan.