KUMPYANSA ang Malakanyang na makababawi ang ekonomiya ng bansa pagkatapos ng dalawang linggong Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa National Capital Region (NCR).
BASAHIN: GDP ng bansa, lumago sa 11.8% noong second quarter ng 2021
Ito’y matapos maitala ang 11.8% na growth in Gross Domestic Product (GDP) sa ikalawang kwarter ng taon.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, natutuwa ang Palasyo sa naitalang GDP growth o pagtaas ng pagbangon ng ekonomiya kahit pa sa gitna ng kinakaharap ng COVID 19 pandemic.
Batay aniya sa report ng Philippine Statistics Authority (PSA), lumago ang ekonomiya noong second quarter ng 2021 sa 11.8% mula sa -17% sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Sabi ng tagapagsalita ng Palasyo, ito na ang pinakamataas na GDP growth na nai-record mula fourth quarter ng 1988.
Patunay ito ani Roque na sa gitna ng pandemya ay pinag-i-ingatan ng pamahalaan at ng bawat isa ang buhay para sa hanapbuhay.
Sambit pa ng kalihim, resulta ang GDP growth na ito ng maayos na pagbalanse sa pagtugon ng COVID-19 at ang pangangailangan ng mga tao na makabalik sa paghahanapbuhay at maibalik ang kita.
Pahayag pa ni Roque, ipinatupad ang lockdown sa panahong ito para makabangon ang ekonomiya ng bansa pagdating bg huling kwarter ng taon.
Kadalasan aniya kasing tumataas ang gastos ng mga konsyumer tuwing sasapit ang kapaskuhan na mag-uumpisa sa Setyembre o ‘Ber months’.
Mababatid na sa ilalim ng dalawang linggong lockdown, tanging mga importanteng biyahe at serbisyo lang ang pupuwedeng magbukas.