LUMAGO ang Gross Domestic Product (GDP) ng bansa sa second quarter ng 2021 matapos ang limang sunod-sunod na economic contraction dahil sa COVID-19 pandemic.
Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), naitala sa 11.8% ang economic growth noong second quarter ng 2021.
Ito na ang pinakamataas na paglago ng ekonomiya na naitala simula noong ika-apat na quarter ng 1988 na nasa 12%.
Hindi kataka-taka ang pagtaas ng 11.8% ng GDP ng bansa —Salceda
Samantala, inihayag ni Albay 2nd District Representative Cong. Joey Salceda na hindi kataka-taka ang pagtaas ng 11.8% ng GDP ng bansa dahil sa pagbagsak ng 17% GDP noong nakaraang taon.
“Di ko naman sinasabi na dead cat bounce, mas masama kung ‘di ito tumalon dahil sa lalim na nga po ng bagsak, mababa ‘yung base, mas madali mapatungan,”pahayag ni Salceda.
Bukod pa rito, sinabi ni Cong. Salceda na bumagsak ng 22% ang manufacturing ng bansa noong nakaraan taon at bumangon ng 21% naman ngayong taon.
“Pero ‘yung services, at nandito po lahat ng mga sme’s, wholesale, retail, trade, bumagsak ng 17% last year, pero ngayon nakabangon lang ng 9.6%,” ani Salceda.
Kaya naman ayon kay Salceda, hanggang ngayon may sugat pa ang ekonomiya dahil sa COVID-19 pandemic.
BASAHIN: Ekonomiya ng Pilipinas, isa sa pinakamahusay sa buong mundo bago ang pandemya