Malawakang pag-aaral sa pagtatayo ng impounding system sa Candaba Pampanga, iniutos ni PBBM

Malawakang pag-aaral sa pagtatayo ng impounding system sa Candaba Pampanga, iniutos ni PBBM

INIUTOS ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang pagsasagawa ng malawakang pag-aaral sa panukalang pagtatayo ng impounding system sa Candaba, Pampanga.

Ito ay magsisilbing pangmatagalang solusyon sa problema sa pagbaha sa lalawigan.

Ang isyu ng pagtatayo ng malaking collection pool sa Candaba ay kasunod ng pakikipagpulong ng Pangulo sa mga lokal na opisyal ng Pampanga upang tugunan ang malawakang pagbaha sa Central Luzon.

Tutol ang ilang lokal na opisyal sa planong pagtatayo ng nasabing proyekto, sa pangamba sa epekto nito sa kabuhayan ng mga tao, partikular sa mga magsasaka ng palay.

Mababatid na ang Candaba ay isang pangunahing producer ng bigas sa rehiyon.

Kaugnay dito, pinawi naman ng Pangulo ang pangamba na ito ng LGUs.

“Do not worry when it comes to the LGUs.  Kayo naman ay hindi namin basta…sasagasaan na lang ‘yung project. Hindi namin gagawin ‘yun.”

“Unang-una, kayo mag-a-approve nito.  Hindi naman ma-approve ito kung ayaw ninyo. Kayo mag-approve nito na kukuha ng 10 percent (land) para paglagyan ng impounding,” pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.

Tiniyak ng Punong-Ehekutibo na ang mga malilikas sa gitna ng proposed project ay ililipat sa ibang mga lugar na parehong produktibo gaya ng kasalukuyan nilang hawak.

Ang pagtatayo ng isang malaking collection pool ay isa lamang sa mga solusyong inilatag sa pulong.

Binanggit din ng Pangulo ang pagsasagawa ng dredging operations bilang panandaliang solusyon at pagtataas ng ilang istruktura sa San Simon, Pampanga, para maibsan ang matinding trapiko sa lugar dulot ng pagbaha.

Ang proyekto ay iminungkahi ni dating Public Works At Highway Secretary na si Rogelio Singson noong 2013 bilang solusyon sa pagbaha sa Central Luzon.

Sinabi ng mga lokal na opisyal na ang proyekto ay maaaring makaapekto sa higit sa 9,000 residente sa Candaba.

Kasabay pang idiniin ng mga ito na ginawa ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang panukala noong panahong iyon nang hindi isinasama ang mga hakbang na gagawin para sa mga pamilyang maaapektuhan ng proyekto.

Ngayon, sa panukala ni Singson, sisiguraduhin o bibilhin ng gobyerno ang humigit-kumulang 200 ektarya o 10 porsiyento ng 2,000 ektarya na swamp land sa Candaba.

Ito’y upang magtayo ng water impounding area para maiwasan ang pagbaha sa malapit at mababang lugar.

Si Singson ay naroon din sa ginanap na situation briefing na pinangunahan ni Pangulong Marcos.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter

Follow SMNI NEWS on Rumble