SISIMULAN na ng Malaysia ang pamamahagi ng booster shots para sa mga may edad 40 pataas.
Uumpisahan na ng Ministry of Health sa Malaysia ang pagbibigay ng booster shot bilang bahagi ng national COVID-19 immunization program.
Ayon kay Health Minister Khairy Jamaluddin, sa ngayon ang nasabing booster shot ay ibibigay muna sa mga kwalipikadong Malaysian national na higit na sa 40 taong gulang at may mga comorbidities.
Aniya, hintayin lamang na makatanggap ng schedule appointment sa pamamagitan ng mysejahtera app sakaling kwalipikado ang isang indibidwal.
Paglilinaw ng Health Minister, malaking tulong ang pagtanggap ng booster shot upang madagdagan ang proteksyon ng isang tao laban sa impeksyon dulot ng COVID-19.
Bukod dito, sinabi rin ni Jamaluddin na humigit-kumulang 40% ng mga mamamayan na nakatanggap na ng kanilang petsa kung kailan tatanggap ng kanilang booster shot ay hindi nagpakita sa kanilang apointment schedule ng pagbabakuna.
Kung kaya’t hinihimok ng MOH ang publiko na nakatanggap ng schedule appointment para sa booster shot, na siputin ng mga ito ang kanilang mga appointment upang makasigurong madadagdagan ang proteksyon kontra COVID-19.
Samantala, nagsimula na ang pamamahagi ng booster shots sa buong Malaysia simula nitong Oktubre 13 para sa mga fully vaccinated individual, naniniwala ang ahensya na makakatulong rin ito laban sa Delta variant ng COVID-19.