Manila LGU nagsuspinde ng klase dahil sa matinding init; DOH nagbabala laban sa heat illness

Manila LGU nagsuspinde ng klase dahil sa matinding init; DOH nagbabala laban sa heat illness

SINUSPINDE ng local government unit ng Maynila ang klase sa lahat ng antas ng pribado at pampublikong paaralan sa lungsod dahil sa matinding init ng panahon.

Ayon sa weather forecast ng Manila Disaster and Risk Reduction Management Office (MDRRMO), inaasahang aabot sa 42°C ang heat index sa lungsod pagsapit ng alas-dos ng hapon.

Bago ang Maynila, nauna nang nagsuspinde ng klase ang mga LGU ng Caloocan, Las Piñas, Malabon, Parañaque, at Valenzuela City kasunod ng ulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na maaaring umabot sa 46°C ang heat index ngayong araw hanggang bukas, Marso 4.

Nagbabala naman ang DOH ukol sa panganib ng heat illness, kabilang ang heat cramps (pamumulikat) at heat exhaustion (pagkahapo), na may mga sintomas tulad ng matinding pagkapagod, sakit ng ulo, pagsusuka, at pagkahilo.

Ayon sa ahensiya, ang matagal na pagkakalantad sa matinding init ay maaaring humantong sa heat stroke, isang seryosong kondisyon na maaaring magdulot ng pagkawala ng malay, pagkalito, o seizure/kombulsyon—na maaaring ikamatay kung hindi agad malunasan.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble