ASAHAN ang pagdagsa ng mas maraming tao sa Manila South Cemetery sa mismong araw ng Undas.
Ayon sa pamunuan ng sementeryo, tinatayang dodoble o aabot sa 400-K katao ang papasok para magsindi ng kandila para sa kanilang mga mahal sa buhay.
Ang pagdami ng tao ay kanila nang inaasahan dahil sa long weekend at wala na ring ipinatutupad na COVID-19 restrictions sa ngayon.
Wala ring nakikita na masamang senyales sa panahon bukas.
Matatandaan na naging maulan ang araw ng Undas ng nakaraang taon.
’’Last year kasi na utilize lang namin is ‘yung main gate. Ngayon nakita ko the need na magkaroon ng additional entrance areas. Nakipag-coordinate kami sa Makati LGU na maglagay ng hagdan along Kalayaan St. and Metropolitan Ave. kapag nakita na po namin ang need na gamitin po ‘yon. Para ma minimize ang bottleneck sa main entrance,’’ ayon kay Jonathan Garzo, Director-Manila South Cemetery.
Para matiyak ang seguridad sa lugar ay aabot sa mahigit 300 personnel ang nagbabantay.
Ito ay mula sa Philippine National Police (PNP), Disaster Group, at Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB).
Sakali namang may mahimatay o sumama ang pakiramdam ay may mga medic mula sa lokal na pamahalaan.
Para maiwasang maligaw sa 25 ektaryang sementeryo ay may help desk na madaling lapitan sa mismong entrance para ma-trace kung nasaan ang puntod ng yumaong mahal sa buhay.
Ang mga nawawalang bata ay hindi rin problema sa sementeryo dahil sa kanilang ipinatutupad na tagging system.
‘‘Kung makikita po ninyo sa mismong entrance ay meron po tayong tinatawag na tagging. Sinusuot sa bata na may pangalan at numero ng kanilang kasama para in case po na mawala ay madali pong ma-contact,’’ saad pa ni Garzo.
Gaya ng mga nagdaang taon ay ipinagbabawal pa rin sa sementeryo ang pagdadala ng baril, loud speaker, matutulis na bagay, alak, at gamit pangsugal.
Paalala rin ng pamunuan na mahigpit na ipinagbabawal ang pagdadala ng alagang hayop o pet tulad ng mga aso’t pusa at iba pa.
Wala ring vendors na matatagpuan sa loob ng sementeryo.
Ang mga nagtitinda ng bulalak, kandila, juice, at iba’t ibang klase ng pagkain ay nasa labas.
Para naman sa mga lolo’t lola, nagdadalang-tao, at persons with disabilities (PWDs) ay may nakahandang e-trikes para umalalay sa kanila.
Sa katunayan ay maaari silang ihatid sa loob at labas ng Manila South Cemetery.
Sa Manila South Cemetery ay ipinagbabawal ang overnight stay dahil sa madilim ang ilang lugar.
Ito ay bukas mula alas singko ng umaga hanggang alas singko ng hapon.